Sunday, August 23, 2015

“Pili na kayo, Pili na, marami kayong pagpipilian” San nga ba natin madalas marinig ang mga salitang ito? Kung ang iniisip ninyo ay sa palengke, sasabihin ko po sa inyo, pareho tayo ng iniisip. Kadalasan hindi natin masyadong nabibigyang pansin ang tawag na ito ng mga magtitinda. Pero kung papansinin natin at pagninilayan, maari nating mapagtanto, na ang buhay natin ngayon ay bunga ng mga ginawa nating pagpili.
Sa ebanghelyo nating binasa matapos marinig ng mga alagad ang mga mabibigat na pananalita ng ating Panginoon, sila ngayon ay naharap sa isang PAGPILI. Ang tanggapin o iwanan ang Panginoon, Ang wika sa kanila ni Hesus, “Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako? 
Sa salaysay ng ebanghelyo hindi binabanggit kung ano nga bang mga mabibigat na salita ang binitawan ng ating Panginoon. Ayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa, kung ating susuriin ang buong salaysay ng ebanghelyong binasa – Jn.6:60-69, makikita natin na malaki ang kaugnayan nito sa mga naunang salaysay. Sa Jn.6:25-59, ipinapangaral ng ating Panginoon ang tungkol sa pagkaing nagbibigay buhay, ang wika niya v.35 “Ako ang pagkaing nagbibigay buhay; Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang nanalig sa akin ay hindi mauuhaw kailanman”, at sa vv.53-58 “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng ating laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko silang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nanahan sa akin at ako sa kanya. Buhay ang amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman.” Ang mga pananalitang ito ay siyang sinasabing naging mabigat para sa mga alagad, kung kaya’t may ilan na matapos marinig ang mga pananalitang ito ni Hesus ay mas PINILING huwag nang sumunod sa kanya.
Sa v.68 maari nating makita ang naging kasagutan ni Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natiiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.” Mahalaga ang naging kasagutang ito ni Pedro sapagkat ito ay nagpapahayag ng PAGPILI nila, ni Pedro at ng labing-dalawang alagad kay Hesus. Kahit mabigat ang mga Pangangaral ni Hesus, mas PINILI nilang manatili kasama si Hesus.
Ang PAGPILI ay karanasan nating lahat, at kapag tayo ay pumipili gumagamit tayo ng dalawang faculty – intellect and will (talino at kalooban). Sa pamamalengke, ginagamit natin ang ating isip para yung produkto na bibilhin natin ay tama dun sa value ng pera. Kaya kapag overprice o expired na yung produkto kaagad naiisip natin “mahal, huwag bilhin” “luma na delikado nang kainin”. Kapag pumipili tayo kadalasan yung ating pinili, yun ang gusto ng ating kalooban.
Ang PAGPILI ay may kaugnayan sa PANANAMPALATAYA, sa Catechism of the Catholic Church mababasa natin ang ganito: “In faith, the human intellect and will cooperate with divine grace: "Believing is an act of the intellect assenting to the divine truth by command of the will moved by God through grace." (CCC #155)
Ang ginawang PAGPILI nina Pedro ay pagpapahayag nila ng PANANAMPALATAYA kay Hesus. Nabatid nina Pedro na ang Panginoon ang tanging makakapagdulot ng buhay na walang hanggan. Dahil sa kanilang PANANAMPALATAYA, nawika ni Pedro “Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos”. Ang pagpapahayag na ito ng Pananampalataya ni Pedro sa ating Panginoon ay nagpapa-alaala sa atin sa iba pang tagpo sa ebanghelyo (Synoptic Gospels) na kung saan, ipinahayag din ni Pedro ang kanyang Pananampalataya kay Hesus- Mt.16:13-20 “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay”. Mk.8:27-30 "Kayo po ang Cristo." Lk.9:18-20 "Kayo po ang Cristo na sinugo ng Diyos!"  Mainam na pansinin natin ang naging kasagutan ni Jesus sa pagpapahayag ng pananampalataya ni Pedro, ang sabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit”. (Mt.16:17) Sa pahayag na ito ni Jesus maari nating unawain, na ang kakayahan ng tao na magpahayag ng pananampalataya sa Diyos ay isang “Kaloob na galling sa Diyos”. Kapag tayo ay nanampalataya hindi lamang yung talino at kalooban natin ang kumikilos, andoon din ang Grasya ng Diyos. Dahil sa Pananampalataya natin, kung kaya’t nakakayanan natin higitan ang mga makatao nating talino at kalooban, e.g., Magpatawad sa Nagkasala sa atin, sabi ng dunong at kalooban, hindi ako ay may kasalanan, alam na alam ko na siya ay may mali, pero dahil kumikilos ang Grasya na Diyos, nagagawa nating magpakababa, at gumawa ng daan upang matamo ang pagkakasundo.
Ang Pananampalataya sa Diyos ay nararapat mabatid sa konteksto ng pakikipagtulungan sa grasya ng Diyos. Ang sabi ni St. Teresa of Avila “And what value can faith have without works and without joining them to the merits of Jesus Christ, our God” Ang Grasya ng Diyos ay laging nag-uumapaw, gawin natin ang parte natin para maging ganap ang ating pananampalataya sa Diyos. Ang sabi ng mga Propesor sa Espiratualidad, “The growth in spiritual life comprises 100% work of God and 100% work of man. “No to being Passive Christians” Kapag pinili natin ang Diyos, gawin natin ang lahat para makapanatili tayong kasama niya.

Sa buhay natin marami tayong maaring pagpilian, maraming mag-aalok, sana mabatid kung sino ang pinaka-mainam: Si Kristo, alok niya buhay na magpakailanman.  

Sunday, October 26, 2014

“When God measures a man, He puts the tape around the heart instead of the head.” 
Ang tunay na sukatan ng ating pagiging kristiyano ay hindi lamang dahil sa tayo ay nabinyagan, kundi kung gaano tayo nagmahal sa Diyos at sa ating kapwa. Sa pagharap natin sa Diyos iisa lang ng kanyang hahanapin – ang pusong mapagmahal.

Itinuturing ng ating Panginoong Hesukristo ang pagmamahal bilang mahalagang utos na kung saan naka-batay ang buong kasulatan. “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip; Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili”

Tinanggap ng mga Israelita ang Sampung Utos ng Diyos sa pamamagitan ni Moises, matapos ng ilang panahon ang Sampung Utos ay dumami dulot ng iba’t-ibang  mga interpretasyon dito, kaya’t noong ang Panginoong Hesukristo ay magsimulang mangaral, mayroon nang anim na daan at labing tatlong mga batas (613) na sinusunod ang mga Judio. Ang dalawang daan at apatnapu’t walo (248) ay mga positibong utos, samantalang ang natitirang tatlong daan at animnaput limang (365) mga utos ay mga pagbabawal. Ang mga batas ding ito ay nahahati sa mga mabibigat (paggalang sa magulang, Deut.5:16) at magaang (anong gagawin kapag nakatagpo ng pugod na may mga inakay o itlog at inahing ibon, Deut. 22:6-7) utos. Dahil sa dami ng mga utos at uri nito naging mahirap para sa mga ordinaryong Judio ang sumunod sa mga pinag-uutos ng mga batas. Dahil mayroong kalituhan kung kaya’t nabuo ang katanungan ng mga Judio para sa ating Panginoong Hesukristo, “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?”

Ang naging kasagutan ay ang dalawang utos na mayroong iisang diwa – ang magmahal. Mula sa Lumang Tipan, hinalaw ni Hesus ang dalawang utos. Ang una, “Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos, ang tanging Yahweh na iyong Diyos ng buong puso, buong kaluluwa at buong lakas.” Ang utos na ito ay malapit sa puso ng mga Judio sapagkat itinuturing nila ito na mahalagang bahagi ng Banal na Kasulatan. Ito ay nagsisilbing panalangin ng mga Judio na kanilang sinasambit tuwing umaga at gabi. Kung ating babasahin ang kabuaan ng panalangin (Dt.6:4-9) ipinapahayag nito na ang lahat ng gawain ng tao ay dapat inaalay sa Diyos; na ang buong buhay ng isang tao ay isang paglilingkod sa Diyos. Ang ikalawa, Idinagdag ni Hesus ang isa pang utos na matatagpuan sa aklat ng Leviticus 19:18, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” At para sa ating Panginoon ang dalawang utos na ito ay kapwa mahalaga. “Magmahal sa Diyos at kapwa ng buong katapatan, upang magampanan ang mga kautusan na siyang magdudulot sa atin ng kaligtasan”

Sino nga ba ang aking kapwa? Ang Parabula ng Mabuting Samaritano ay nagbibigay sa atin ng mainam na kasagutan. Sa parabulang ito maliwanag ang nagiging mensahe na ang kapwa natin ay hindi lamang yaong mga kapamilya o kaibigan natin. Itinuro ni Hesus na dapat nating ituring na kapwa ang lahat ng tao kakilala man natin sila o hindi. Sa aklat ng Exudo 22:20-26 binigyan ng pangalan kung sino ang mga kapwa nating ito na kailangan nating pagmalasakitan, ang mga dayuhan, balo at ulila.

Sa linggong ito ginugunita natin ang “Prison Awareness Sunday”. Mainam na itanong at pagnilayan din natin, “matapos ang lahat, dapat pa ba nating ituring na kapwa natin ang mga nasa bilanguan?” Oo, dapat, dahil sila ay mga anak din ng Diyos, mga taong katulad natin.

Ano nga ba ang pagkakabatid natin sa bilanguan? -  nakakatakot na lugar, lugar ng mga masasamang tao?, parusa sa mga nagkasala sa batas?

Sa aking pag-aapostolado sa mga bilanggo, nabatid ko na ang bilanguan ay lugar ng pag-asa. Sa bilanguan ko naranasan ang pananabik ng mga nakakulong sa pagdiriwang ng banal na misa, umaasa na ang biyaya ng Diyos ang patuloy na magbibigay sa kanila ng lakas ng loob upang makapagbagong buhay. Sa bilanguan ko nakita ang kalunos-lunos na kalagayan ng isang tao. Sa maliit na silid nagsisiksikan ang apatnapung tao halos wala nang espasyo para gumalaw ng maayos, maiinit at mabaho ang amoy. Pagkaing tila pinagkaitan ng lahat ng mga biyaya ang kanilang pinag-titiisan upang matugunan ang kalam ng mga sikmura.

Ang ating pakikipag-kapwa tao ay maipapakita natin sa mga bilanggo sa pamamagitan ng “Pagmamahal na ang hatid ay Pag-asa” Una, magkaroon tayo ng pagpapanibango ng tingin at mas malalim na pag-una sa natura ng isang bilanguan. Ang bilanguan ay hindi lamang lugar upang parusahan ang mga nagsakala, ito rin ay lugar upang ituwid ang mga nagkasala at ihanda sila upang muling maka-balik sa pamayanan na mayroong bagong buhay. Ikalawa, Ang pagmamahal ay dapat kauna-unahang ipinadarama ng mga kamag-anak ng mga nabilanggo. Nararapat lamang na ang mga malalapit na kamag-anak ng mga nabilanggo ang siyang kauna-unahang magmalasakit upang bisitahin at kamustahin ang mga kapamilyang nasa kulungan. At Ikatlo, Ang mga nakakulong sa mga bilanguan ay mga tao, hindi sila mga hayop dahil doon nararapat na igalang din ang dignidad nila bilang mga tao.

Inspirasyon at pag-asa ang ibinibigay ng mga samahan na patuloy na nag-aapostolado sa mga bilanguan. Nararapat lamang na mas dumami ang mga ganitong samahan na may malasakit sa kapwa.

Matapos natin magawa ang lahat ng bagay, at matapos na ang ating buhay, iisa ang ating inaasahan ang matapuan ang Diyos na mapagmahal. Lingid sa ating kalaaman na naririto ang Diyos, katabi, kausap, nakikita at humihigi sa atin ng pagmamahal.   

“Ibigin natin ang Panginoon Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip; Ibigin natin ang ating kapwa gaya ng ating sarili.”  

Saturday, October 11, 2014


Ang pagsasalo natin sa isang piging ay isa sa mga paraan natin upang ipagdiwang ang isang mahalagang okasyon sa ating mga buhay. Ang piging ay nagiging pagpapahayag natin ng pagmamahal at pakiki-pagkaibigan sa bawat isa.

Ang mga pagbasa natin para sa linggong ito ay mayroon din mga tema ng pag-aanyaya sa  isang piging. Sa pamamagitan ni Propeta Isaias1, ipinahayag ng Diyos ang kanyang paanyaya para sa lahat ng bansa upang makisalo sa masaganang piging na inihanda sa Bundok ng Sion. Inihalintulad ni Hesus ang Kaharian ng Diyos sa isang piging na inihanda ng hari para sa kasal ng kanyang anak na lalaki na kung saan marami din ang inanyayahan.2

Sa aklat ni Fr. John Larrea, SDB3 ipinaliwag niya ang iba’t-ibang detalye ng binasa nating ebanghelyo. Inilalarawan ng Hari  ang Diyos na siyang naghanda ng piging para sa kasalan ng kanyang anak – Si Hesus. Ang pagdiriwang ay ang pagdating ni Hesus sa mundo, sa Kanyang pagkakatawang tao naidulot ang kaligtasan. Ang piging na pangkasalan ay ang Kaharian ng Diyos. Ang mga Judio na siyang unang inanyayahan ng Diyos na makisalo sa kanyang hapag ay tumanggi sa Kanyang paanyaya. Inusig nila ang mga Propetang ipinadala ng Diyos, sa halip na tumalima sa kanilang mensahe ang mga ito’y kanilang ipinapatay. Ang bunga ng kanilang hindi pagtalima sa paanyaya ng Diyos ay ang pagkawasak ng Jerusalem, ang kanilang minamahal na lunsod. Ang kasawian na higit pa sa pagkawasak ng lunsod ng Jerusalem ay yaong hindi sila mapabilang sa Kaharian ng Diyos. Ang mga huling inanyayahan na tumugon sa paanyaya ng Hari ay kumakatawan sa mga hindi Judio na kung saan tayo ay kabilang.

Ang pananampalataya natin sa Diyos ay hudyat ng ating pagtugon sa Kanyang paanyaya. Ang pagtanggap natin sa ating Panginoong Hesukristo ay ang unang hakbang upang tayo ay makapasok at mapabilang sa kaharian ng Diyos. Ang paanyaya ng Diyos at ang ating pagtanggap ay nagsimula noong tayo ay binyagan. Noon pa man ibinigay na sa atin ng Diyos ang damit na dapat nating palagiang isinusuot – ang buhay ng Diyos, ang damit ng Kalinisan. Kapag ipinagdiriwang natin ang sakramento ng binyag, nasasaksihan natin ang rito na kung saan isinusuot ng mga ninong at niang ang damit na puti sa kanilang mga inaanak at kung ating pinakinggan ang kasunod na paliwag tungkol sa pagsusuot ng damit na puti, mauunawaan natin ang lalim at kahugan nito. “Ang damit na pambinyag ay tanda ng muling pagsilang kay Kristo at ng dakilang karangalan ng mga anak ng Diyos. Nawa’y manatiling wagas at walang bahid-dungis ang kanilang karangalan hanggang matamo nila ang buhay na walang hanggan.” 4  

Ang buhay na malinis at wagas ay siyang inasahan sa atin ng Diyos sa tuwina na tayo ay nagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, sa bawat pagdiriwang tayo ay nakikibahagi sa makalangit na piging na inihanda ng Diyos. Ang Kasalan ang siyang nagbibigay ng dungis sa damit na tinanggap natin mula sa Diyos, at dahil sa dungis ng kasalanan natatagpuan natin ang ating mga sarili na hindi karapat-dapat na makilahok sa Banal na Piging. Mabigat sa pakiramdam na sumisimba tayo pero hindi tayo maka-pagkomunyon sapagkat alam natin na hindi tayo karapat-dapat dahil sa mabigat nating kasalanan.

Kabilang na tayo sa piging ng Diyos huwag sana natin sayangin ang pagkakataon, asamin at pagpunyagian lagi na tayo ay maging malinis sa mata ng Diyos. Sa wakas ng ating mga buhay masusumpungan natin ang isang mahalagang okasyon, sa langit ipagdiriwang ang piging ng mga banal, ang walang hanggang at masaganang piging sa piling ng Diyos. Isa lang ang hahanapin ng Diyos mula sa atin, ang damit na kanyang ibinigay. Ang buhay na puno ng pagmamahal at kalinisan.    
__________________________
1. Isaias 25:6-10
2. Mateo 22:1-14
3. Fr. John Larrea, SDB, The Word of God, Vol A. p.536   
4. Ministry of Liturgical Affairs, Collectio Rituum, p.528
5. http://hdw.eweb4.com/

Saturday, October 4, 2014

Isa sa mga nagbibigay sa atin ng inspirasyon at lakas ng loob ay yaong makita at madama  na mayroong nagtitiwala sa atin; dahil sa malaking tiwala na ibinigay sa atin, mas pinag-huhusay natin ang mga gawaing  iniatas.

Sa ebanghelyo ni  San Mateo1 nakita natin ang malaking pag-titiwala ng may-ari ng ubasan sa kanyang mga kasamahan. Matapos niyang maisaayos ang kanyang ubusan, ito ay kanyang inihabilin sa mga kasama at siya’y lumisan, nagtitiwala na mayroon siyang  aasahang kaparte sa panahon ng anihan.

Ang imahen ng ubasan ay kapwa binabanggit sa unang pagbasa2 at ebanghelyo.3 Maliwag sa mga hudiyo, mga punong sacerdote at matatadanda ng bayan na mga taga-pakinig nina Propeta Isaias at Hesus, na ang imahen ng ubasan ay tumutukoy sa bayang Israel. Sa kasaysayan ng bayang Israel, ibinigay sa kanila ng Diyos ang mga biyayang kanilang kinakailangan upang  sila ay maka-panating mayabong at masagana. Ngunit naging kapos pa rin ang  kanilang pagtalima sa Diyos; imbis na mabubuting ubas, ubas na ligaw ang nasungpungan ng Diyos, bagkos na ibigay ang kaparte, pumatay at inangkin ang ubasan.  Sinayang nila ang pagtitiwalang ibinigay sa kanila ng Diyos.  

Bagama’t hindi naging mabunga ang bayang Israel at tila baga’y nasayang ang pagtitiwala ng Diyos, hindi ito naging dahilan para tumigil ang Diyos sa Kanyang pagpapahayag ng kabutihan.  Kung ang mga unang pinagkatiwalaan ay hindi naging mahusay sa kanilang pamamahala, ang Diyos sa kanyang walang hanggang karunungan ay humanap ng iba pang maaring mapagkatiwalaan, na siyang magiging mahusay sa pamamahala, na magbibigay sa Kanya ng  kaparte sa panahon ng anihan.

Kung ang Diyos ay hindi tumitigil sa kanyang pagbibigay ng biyaya at patuloy na nagtitiwala, mainan sana  na tayo ay palagiang maniwala, na tayo ay Kanyang mga piniling katiwala. Pinagtitiwalaan tayo ng Diyos ng maraming bagay - buhay, trabaho, ari-arian, pamilya at marami pang iba. Kung minsan nahihirapan tayo na maramdaman ito, sapagkat nakakalimot tayo sa ating mga sarili, ang akala natin tayo ang may-ari ng mundo. Gagamitin natin ang mga bagay sa palibot natin ayon sa mga sarili nating layaw. Akin ang buhay ko, kaya minsan natatagpuan natin ang ating mga  sarili na lugmok sa bisyo at kasalanan. Kapag tayo ay punong-puno ng kasalanan magiging mahirap talaga para sa atin, na aminin, na tayo ay pinagkakatiwalaan ng Diyos. Ang pakiramdam natin dahil sa aking mga kasalanan wala ni isa sa kapwa ko ang nagtitiwala sa akin, bakit pa ako pagtitiwalaan ng Diyos.

Sa mga oras na nagiging mababa ang pagtingin natin sa ating mga sarili sana nawa ang mga pangangaral ni Pope Francis  ang magbigay sa atin ng inspirasyon. “Even if the life of a person has been a disaster, even if it is destroyed by vices, drugs, or anything else—God is in this person’s life. You can, you must try to seek God in every human life. Although the life of a person is a land full of thorns and weeds, there is always a space in which the good seed can grow.”4   Ang mensaheng ito ng ating Santo Papa ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob, na sa kabila ng ating mga kahinaan ay patuloy pa rin tayong pinagtitiwalaan ng Diyos. 

Nararapat lamang na tayo ay lagi ring matutong magtiwala sa Diyos,  at ang mga pangangaral ni Apostol San Pablo ang maging panalangin natin “Huwag tayong mabalisa, hingin natin sa Diyos ang lahat ng ating kailangan sa pamamagitan ng panalangin may pasasalamat. At ang di malirip na kapayapaan ng Diyos ang magiingat sa ating puso at pag-iisip…”5

Ang pagtitiwalang ibinigay sa atin ng Diyos ay nararapat lamang suklian natin ng mainam na bunga at upang masabi na tayo ay naging mabuting mga katiwala dapat masaksihan sa buhay natin ang mga bagay na “karapat-dapat at kapuri-puri; mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.” 

Kung mayroong dapat magbigay sa atin ng inspirasyon at lakas ng loob upang pagbutihin natin ang ating mga buhay walang iba dapat yun, kundi ang pagtitiwala ng  Diyos. 


____________________

1. Mt. 21:33-43
2. Is. 5:1-7
3. Mt.21:33-43
4. Pope Francis, A Big Heart Open to God: A Conversation with Pope Francis
5. Fil 4:6-7
6. Fil 4:8 

Friday, September 26, 2014


“Images of Truth at times may not be pleasing to the eye - evoking disgust and denigration. If an author translates these images into writing, 
one then has the moral responsibility to portray in that same frame - atonement, redemption and justification” 1

Hindi lamang sa pagpapahayag ng kasamaan natatapos ang ating obligation, matapos nating maipamukha kung ano ang masama at mali, nagkakaroon tayo ngayon ng moral na pananagutan upang itama ang masama at iwaksi ang mali, asamin ang bunga ng pagbabago, kaligtasan at kabanalan.

Sa ebanghelyo ni San Mateo2 natunghayan nating ipinangaral ng Panginoong Hesukristo ang tungkol sa pagtutuwid ng kamalian.  Bagama’t itinuturing na mga makasalanan ang mga publikano at mga masasamang babae, sila pa rin ay naging karapat-dapat sa kaharian ng Diyos sapagkat tinaggap nila ang mga pagtutuwid ni Juan Bautista.

Ang talinghaga  ‘tungkol sa dalawang anak’ ay nagiging ‘imahen ng katotohanan’ na ipinapahayag ng Panginoon. Sinasalamin nito ang magkaibang pagtugon ng mga itinuturing na mga lider ng Judaismo at mga tinaguriang  makasalanan.  Ang anak na sumagot ng ‘Oo’ pero hindi pumunta sa ubusan ay kumakatawan sa mga lider na Judio -  sa mga punong-sacerdote at matatanda ng bayan. Bagama’t tumatalima sila sa Kautusan, ang totoo’y hindi nila tinutupad ang kalooban ng Diyos dahil sa kanilang pamumuhay ay taliwas sa kanilang pinaniniwalaan at sinasabi. Samantala, ang anak na sumagot ng ‘Ayoko po’ pero nagbago ng isip at nagpunta sa ubusan ay kumakatawan sa mga itinuturing ng mga Judio na hindi maliligtas – sa mga maniningil ng buwis at masasamang babae. Sa simula’y ayaw nilang tumupad sa kalooban ng Diyos dahil hindi sila tumatalima sa kautusan at  sa mga turo ng mga guro ng batas. Pero nagbalik-loob sila sa Diyos at nanalig kay Hesus.3

Ano nga ba yung isang imahen ng katotohanan sa buhay natin na kung minsan ay hindi natin maamin? Mahirap amininin sapagkat ito ay hindi maganda sa paningin at naglalagay sa atin sa hamak na sitwasyon. – Kasalanan.

Ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang karanasan ng pagkakasala. At sa bawat pagkakasala natin naroon din ang pag-aasam natin upang makapagbalik-loob. Sa aklat ni Propeta Ezekiel4 natunghayan natin kung ano ang naghihintay sa mga nagnanais magbalik-loob sa Diyos “Ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya at hindi mamamatay”5  Kay gandang pangako ng Diyos, nagbibigay ito sa atin ng lakas ng loob upang lubasang talikuran ang kasalanan, na ang kapatawaran ng Diyos ay laging nag-uumapaw sa mga nagsisisi at nanalig.

Ang pangakong ito ng Diyos ay natupad sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo. Kung ang dalawang anak sa talinghaga ni San Mateo6 ay naging kapos sa pagtalima sa kalooban ng ama. Naririto ngayon ang Bugtong na Anak ng Diyos na siyang nagiging halimbawa sa bawat isa sa atin. Ganap ang naging kasagutan ni Hesus sa kalooban ng Ama, “Bagama’t siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan sa krus.” 7  Dahil sa kaganapang dulot ng kasunuran ni Hesus, ang bawat isa sa ating nagbabalik-loob sa Diyos ay nakakatiyak ng patanggap ng meritong pinagwagian ni Kristo. Ang pagbabalik-loob ng isang makasalanan ay hindi nauuwi sa kawalan, sa halip ay nasusumpungan ang kapatawaran.

Sa pagbabalik-loob sa Diyos mahalaga na magkaroon tayo ng ganap na kasagutan, isang matibay na desisyon upang lubusang talikuran ang kasalanan. At nangangahulugan ito ng pag-amin at pagtitika sa mga kasalanang nagawa. Hindi na lamang natin basta sasabihin na magbabalik-loob ako sa Diyos, kasabay ng mga pahayag ay ang mga tunay na gawa na magpapakita na handa tayong yakapin ang pagbabagong buhay.




_________________________

1. F Sionil Jose, The moral obligations of writers, The Philippine Star, Sunday, 21 September 2014, G-1

2. Mateo 21:28-32

3. Ugnayan at Gabay sa Liturhiya, Vol. 39, September 2014, 340-341

4. Ezekiel 18:25-28

5. Ezekiel 18:26-28

6. Mateo 21:28-32

7. Filipos 2:6-8

Saturday, September 20, 2014

“Lord, hindi po akong marunong kumanta, pero ginawa mo pa rin akong pari sana  po kapag kinakanta ko na ang mga panalangin sa misa ay huwag madistract ang mga tao sa kanta ko.” 

Isa ito sa mga panalangin ko noong ako ay ordinahan, sapagkat batid ko na may pagkasintunado ang boses ko. Matapos ng ordinasyon hindi pa rin tumatama ang boses ko sa mga musical notes, pero ramdam ko na higit pa sa magandang boses ang tinanggap ko mula sa Diyos – binigyan Niya ako ng lakas ng loob para kumanta. At ang lakas ng loob para kumanta ay maituturing ko na isa lamang sa maraming biyaya na tinanggap ko mula sa Diyos. Tunay, na ang kagandahang-loob ng Diyos ay palagiang nag-uumapaw.

       Ang mga pagbasa natin ngayon ay nag-aanyaya sa atin upang pagnilayan natin ang kagandahang-loob ng Diyos. 

       Ang unang pagbasa na hinalaw mula sa aklat ni Propeta Isaias 55:6-9 ay naisulat noong kapanahunan ng maraming taga-Juda ang napatapon sa Babilonia. Mahirap ang naging buhay ng mga Israelita sa Babilonia, sapagkat sila’y nagsilbing mga alipin. Para sa mga nabihag sa Babilonia, sapat na sa kanila ang muling makabalik at masilayang muli ang lungsod ng Jerusalem, ngunit lingid sa kanilang kaalaman, higit pa doon ang inaalay ng Diyos sa kanila. Ipinahayag ni Propeta Isaias na palalayain sila ng Diyos at ibabalik sa kanilang tahanan sa Jerusalem upang magpanibagong buhay.  “Ang mga gawain ng taong masama’y dapat nang talikdan, at ang mga liko’y dapat magbago na ng maling isipan. Sila’y manunumbalik, lumapit sa Panginoon upang kahabagan, at mula sa Diyos, matatamo nila ang kapatawaran.” (Is. 55:7) Sa pamamagitan ni Propeta Isaias, nabatid ng mga Israelita ang kagandahang loob ng Diyos sa kanilang bayan.

       Ang kagandahang-loob ng may-ari ng ubusan ang atin din natunghayan sa Ebanghelyo ni San Mateo 20:1-16, Higit pa sa inaasahang upa ang tinangggap ng mga manggawawa na huling pinapunta sa ubusan. Ang talinghaga tungkol sa may-ari ng ubusan ay nagpapakilala sa nag-uumapaw na kagandahang loob ng Diyos sa bayang Israel. Ang ubasan ay nagiging simbolo ng bayang Israel (Mt. 21:33-46), ang imahen ng Israel bilang ubasan ay matatagpuang nakabatay sa lumang tipan, sa mga aklat nina Propeta Jeremias 12:10 at Isaias 5:1-7, doon natin mababasa na inilalarawan ang Israel bilang ubasang palagiang kinakalinga ng Diyos. Sa maraming pagkakataon ang ubusang ito ng Diyos ay hindi naging mabunga dulot  ng kataksilan at kawalan ng pananampalataya kay Yahweh, pero hindi ito naging hadlang upang hindi ibigay ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob.

       Ang sukatan ng kagandahang-loob ng Diyos ay kakaiba sa sukatan ng tao – Ang wika ng Panginoon, “Ang aking isipa’y ‘di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maabot ng inyong akala” (Is.55:8-9)

      Ang mga kaloob ng Diyos – ang Kanyang mga biyaya kung minsan ay hindi natin lubusang napapasin at napapakinabangan sapagkat ang buong atensyon natin ay nakatuon sa mga sarili nating kagustuhan. Nakakalimutan nating magtiwala sa Diyos, at sa kanyang karunungan. Naiingit tayo sa mga biyayang tinatamasa ng mga kapwa natin, pero lingid sa kaalaman natin ay parehas na biyaya ang ating tinatanggap mula sa Diyos.  Ang sabi ng manunulat na si Jean Vanier, “Envy comes from people’s ignorance of, or lack of belief in, their gifts.” Kapag maiingitin tayo hindi natin makikita ang kabutihan ng Diyos sa buhay natin, mauuwi lamang tayo sa isang buhay na puno ng pagrereklamo sa Diyos. Ang buhay na puro na lang reklamo ay hindi masayang buhay.

       Ang sikreto ng pagkakaroon ng masayang buhay ay yung palagiang bilangin natin yung mga kagandahang-loob ng Diyos at laging magpasalamat kung anong meron tayo sa buhay.

       Salamat sa Diyos kahit hindi ako magaling kumanta ay patuloy Niya akong pinagiging-dapat na ipagdiwang ang Banal na Misa.

       Masayang bilangin ang kagandahang-loob ng Diyos, kasi hindi ito nauubos.

Saturday, September 13, 2014

"Mas madaming Krus, Mas madaming biyaya", 'yan ang sabi ni Fr. Rekto Hernandez. Sa aking pagninilay hindi ito pahayag ng isang taong sadista, bagkos ito ay pagpapakita ng pagkakaroon ng isang malalim sa debosyon sa Banal na Krus ni Hesus.

Sa linggong ito ating ginugunita ang kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na Krus. Sa pagdiriwang na ito tatlong mahalagang pangyayari sa kasaysayan at ating inaala-ala. Una, ay ang pagkakatagpo ng tunay na Krus ni Hesus sa pangunguna ni Santa Elena, Ina ni Emperador Constantino. Ikalawa, ay ang pagtatalaga ng mga simbahang binuo ni Constantino sa ibabaw ng pinag-libingan ni Hesus at sa Bundok ng Kalbaryo. Ikatlo, ay ang pagbabalik sa Jerusalem ng tunay na Krus ni Hesus sa pamamagitan ni Emperador Heraclius II.

Sa mas malalalim na diwa ng ating pananampalataya, ipinagdiriwang natin ang kapistahang ito sapagkat, ang Krus ni Hesus ay naging instrumento ng ating kaligtasan, na siyang palagiang inaalay ng Diyos.

Sa unang pagbasa nang magkasala ang mga Israelita sa Panginoon, ang kaligtasan mula sa kamatayan ay kanilang natanggap sa pamamagitan ng pagtingin nila sa tansong ahas na inilagay ni Moises sa isang tikin. Ang tagpong ito mula sa aklat ng  Mga Bilang 21:4-9, ay naghahanda sa mga bumabasa ng Banal na Kasulatan upang mapagtanto ang paghahalintulad at kaugnayan ng Lumang Tipan sa Bagong Tipan. Sa Ebanghelyo ni San Juan 3:13-17 naitala, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailanagang itaas ang anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Ang ahas na yari sa tanso na itinaas ni Moises sa ilang ay nagiging larawan ng pagtataas kay Hesus sa Krus upang maging bukal ng kaligtasan, na kung saan mula sa Krus ni Hesus dumadaloy ang biyaya ng buhay na walang hanggan.

Ang sakripisyong inalay ni Kristo sa Krus ay natatangi, “Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, si Kristo Hesus na naghandog ng kanyang buhay upang tubusin ang lahat” – 1 Tim 2:5. Ngunit dahil sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos, niyakap ni Hesus ang pagiging tao natin – “Si Kristo Hesus, bagama’t siya’y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang tao at namuhay na isang alipin, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan oo, hanggang kamatayan sa Krus” Sa pagkakatawang tao ni Hesus, natanggap natin ang biyaya upang tayong maging kabahagi sa gawang pagliligtas ng Diyos.

Ang pakikibahagi sa gawang pagliligtas ng Diyos ay nangangahulugan ng isang malalim na pananampalataya – ang makita ang yaman at kahalagahan ng Krus sa buhay nating mga anak ng Diyos. Makita nawa natin ang Krus, hindi lamang bilang isang simbolo ng pagiging mga Kristiyano, higit pa roon maramdaman natin ang tunay na biyaya nito, ang kaligtasan at pakikibahagi sa buhay ng Diyos na walang hanggan.  Sa Tuwina na tayo ay nag-aantanda ng Krus, binabasbasan natin ang ating mga sarili, upang ang lakas ng Diyos ay mapasaatin. Maipahayag nawa natin na sa pamamagitan ng Krus ay magkaroon tayo ng lakas, upang mapag-tagumpayan ang lahat ng mga pagsubok sa buhay, at mapalayo sa anumang uri ng isipan at gawain na naglalayo sa atin sa kaligtasan. Sa mga oras na tayo’y natatakot, Krus ang ating maging sandigan, hindi ang gatilyo o patalim. Ano nga ba ang kadalasang sinasabi natin kapag tayo ay nag-iisa at  natatakot? “Tabi po Nuno”  Sana, bilang mga anak ng Diyos na iniligtas sa Krus ni Hesus mas ugalian natin ang mag-antanda ng krus kapag napapangunahan tayo ng takot, tukso at mga suliranin. Ipahayag lagi natin, marami man tayong dinadalang Krus sa buhay, mas higit namang maraming biyaya ang Diyos.