“Lord,
hindi po akong marunong kumanta, pero ginawa mo pa rin akong pari sana po kapag kinakanta ko na ang mga panalangin sa
misa ay huwag madistract ang mga tao sa kanta ko.”
Isa ito sa mga panalangin ko
noong ako ay ordinahan, sapagkat batid ko na may pagkasintunado ang boses ko.
Matapos ng ordinasyon hindi pa rin tumatama ang boses ko sa mga musical notes,
pero ramdam ko na higit pa sa magandang boses ang tinanggap ko mula sa Diyos –
binigyan Niya ako ng lakas ng loob para kumanta. At ang lakas ng loob para
kumanta ay maituturing ko na isa lamang sa maraming biyaya na tinanggap ko mula
sa Diyos. Tunay, na ang kagandahang-loob ng Diyos ay palagiang nag-uumapaw.
Ang mga pagbasa natin ngayon ay nag-aanyaya sa atin upang pagnilayan natin ang kagandahang-loob ng Diyos.
Ang unang pagbasa na hinalaw
mula sa aklat ni Propeta Isaias 55:6-9 ay naisulat noong kapanahunan ng maraming
taga-Juda ang napatapon sa Babilonia. Mahirap ang naging buhay ng mga Israelita
sa Babilonia, sapagkat sila’y nagsilbing mga alipin. Para sa mga nabihag sa
Babilonia, sapat na sa kanila ang muling makabalik at masilayang muli ang
lungsod ng Jerusalem, ngunit lingid sa kanilang kaalaman, higit pa doon ang
inaalay ng Diyos sa kanila. Ipinahayag ni Propeta Isaias na palalayain sila ng
Diyos at ibabalik sa kanilang tahanan sa Jerusalem upang magpanibagong
buhay. “Ang mga gawain ng taong masama’y
dapat nang talikdan, at ang mga liko’y dapat magbago na ng maling isipan.
Sila’y manunumbalik, lumapit sa Panginoon upang kahabagan, at mula sa Diyos,
matatamo nila ang kapatawaran.” (Is. 55:7) Sa pamamagitan ni Propeta Isaias,
nabatid ng mga Israelita ang kagandahang loob ng Diyos sa kanilang bayan.
Ang kagandahang-loob ng
may-ari ng ubusan ang atin din natunghayan sa Ebanghelyo ni San Mateo 20:1-16,
Higit pa sa inaasahang upa ang tinangggap ng mga manggawawa na huling pinapunta
sa ubusan. Ang talinghaga tungkol sa may-ari ng ubusan ay nagpapakilala sa
nag-uumapaw na kagandahang loob ng Diyos sa bayang Israel. Ang ubasan ay
nagiging simbolo ng bayang Israel (Mt. 21:33-46), ang imahen ng Israel bilang
ubasan ay matatagpuang nakabatay sa lumang tipan, sa mga aklat nina Propeta
Jeremias 12:10 at Isaias 5:1-7, doon natin mababasa na inilalarawan ang Israel
bilang ubasang palagiang kinakalinga ng Diyos. Sa maraming pagkakataon ang ubusang ito ng Diyos ay hindi naging mabunga dulot ng kataksilan at kawalan ng pananampalataya kay Yahweh, pero hindi ito naging hadlang upang hindi ibigay ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob.
Ang sukatan ng
kagandahang-loob ng Diyos ay kakaiba sa sukatan ng tao – Ang wika ng Panginoon,
“Ang aking isipa’y ‘di ninyo isipan, at
magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa
lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maabot ng inyong akala” (Is.55:8-9)
Ang mga kaloob ng Diyos –
ang Kanyang mga biyaya kung minsan ay hindi natin lubusang napapasin at
napapakinabangan sapagkat ang buong atensyon natin ay nakatuon sa mga sarili
nating kagustuhan. Nakakalimutan nating magtiwala sa Diyos, at sa kanyang
karunungan. Naiingit tayo sa mga biyayang tinatamasa ng mga kapwa natin, pero
lingid sa kaalaman natin ay parehas na biyaya ang ating tinatanggap mula sa
Diyos. Ang sabi ng manunulat na si Jean Vanier,
“Envy comes from people’s ignorance of, or lack of belief in, their gifts.”
Kapag maiingitin tayo hindi natin makikita ang kabutihan ng Diyos sa buhay
natin, mauuwi lamang tayo sa isang buhay na puno ng pagrereklamo sa Diyos. Ang
buhay na puro na lang reklamo ay hindi masayang buhay.
Ang sikreto ng pagkakaroon
ng masayang buhay ay yung palagiang bilangin natin yung mga kagandahang-loob ng
Diyos at laging magpasalamat kung anong meron tayo sa buhay.
Salamat sa Diyos kahit hindi
ako magaling kumanta ay patuloy Niya akong pinagiging-dapat na ipagdiwang ang
Banal na Misa.
Masayang bilangin ang
kagandahang-loob ng Diyos, kasi hindi ito nauubos.
No comments:
Post a Comment