“When God measures a man, He puts the
tape around the heart instead of the head.”
Ang tunay na sukatan ng
ating pagiging kristiyano ay hindi lamang dahil sa tayo ay nabinyagan, kundi
kung gaano tayo nagmahal sa Diyos at sa ating kapwa. Sa pagharap natin sa Diyos
iisa lang ng kanyang hahanapin – ang pusong mapagmahal.
Itinuturing
ng ating Panginoong Hesukristo ang pagmamahal bilang mahalagang utos na kung
saan naka-batay ang buong kasulatan. “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang
buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip; Ibigin mo ang iyong
kapwa gaya ng iyong sarili”
Tinanggap
ng mga Israelita ang Sampung Utos ng Diyos sa pamamagitan ni Moises, matapos ng
ilang panahon ang Sampung Utos ay dumami dulot ng iba’t-ibang mga interpretasyon dito, kaya’t noong ang
Panginoong Hesukristo ay magsimulang mangaral, mayroon nang anim na daan at
labing tatlong mga batas (613) na sinusunod ang mga Judio. Ang dalawang daan at
apatnapu’t walo (248) ay mga positibong utos, samantalang ang natitirang
tatlong daan at animnaput limang (365) mga utos ay mga pagbabawal. Ang mga
batas ding ito ay nahahati sa mga mabibigat (paggalang sa magulang, Deut.5:16)
at magaang (anong gagawin kapag nakatagpo ng pugod na may mga inakay o itlog at
inahing ibon, Deut. 22:6-7) utos. Dahil sa dami ng mga utos at uri nito naging
mahirap para sa mga ordinaryong Judio ang sumunod sa mga pinag-uutos ng mga
batas. Dahil mayroong kalituhan kung kaya’t nabuo ang katanungan ng mga Judio para
sa ating Panginoong Hesukristo, “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa
Kautusan?”
Ang
naging kasagutan ay ang dalawang utos na mayroong iisang diwa – ang magmahal. Mula
sa Lumang Tipan, hinalaw ni Hesus ang dalawang utos. Ang una, “Pakinggan mo, O
Israel: Si Yahweh na ating Diyos, ang tanging Yahweh na iyong Diyos ng buong
puso, buong kaluluwa at buong lakas.” Ang utos na ito ay malapit sa puso ng mga
Judio sapagkat itinuturing nila ito na mahalagang bahagi ng Banal na Kasulatan.
Ito ay nagsisilbing panalangin ng mga Judio na kanilang sinasambit tuwing umaga
at gabi. Kung ating babasahin ang kabuaan ng panalangin (Dt.6:4-9) ipinapahayag
nito na ang lahat ng gawain ng tao ay dapat inaalay sa Diyos; na ang buong
buhay ng isang tao ay isang paglilingkod sa Diyos. Ang ikalawa, Idinagdag ni
Hesus ang isa pang utos na matatagpuan sa aklat ng Leviticus 19:18, “Ibigin mo
ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” At para sa ating
Panginoon ang dalawang utos na ito ay kapwa mahalaga. “Magmahal sa Diyos at
kapwa ng buong katapatan, upang magampanan ang mga kautusan na siyang
magdudulot sa atin ng kaligtasan”
Sino
nga ba ang aking kapwa? Ang Parabula ng Mabuting Samaritano ay nagbibigay sa
atin ng mainam na kasagutan. Sa parabulang ito maliwanag ang nagiging mensahe
na ang kapwa natin ay hindi lamang yaong mga kapamilya o kaibigan natin.
Itinuro ni Hesus na dapat nating ituring na kapwa ang lahat ng tao kakilala man
natin sila o hindi. Sa aklat ng Exudo 22:20-26 binigyan ng pangalan kung sino
ang mga kapwa nating ito na kailangan nating pagmalasakitan, ang mga dayuhan,
balo at ulila.
Sa
linggong ito ginugunita natin ang “Prison Awareness Sunday”. Mainam na itanong
at pagnilayan din natin, “matapos ang lahat, dapat pa ba nating ituring na
kapwa natin ang mga nasa bilanguan?” Oo, dapat, dahil sila ay mga anak din ng
Diyos, mga taong katulad natin.
Ano
nga ba ang pagkakabatid natin sa bilanguan? -
nakakatakot na lugar, lugar ng mga masasamang tao?, parusa sa mga
nagkasala sa batas?
Sa
aking pag-aapostolado sa mga bilanggo, nabatid ko na ang bilanguan ay lugar ng
pag-asa. Sa bilanguan ko naranasan ang pananabik ng mga nakakulong sa
pagdiriwang ng banal na misa, umaasa na ang biyaya ng Diyos ang patuloy na
magbibigay sa kanila ng lakas ng loob upang makapagbagong buhay. Sa bilanguan
ko nakita ang kalunos-lunos na kalagayan ng isang tao. Sa maliit na silid
nagsisiksikan ang apatnapung tao halos wala nang espasyo para gumalaw ng
maayos, maiinit at mabaho ang amoy. Pagkaing tila pinagkaitan ng lahat ng mga
biyaya ang kanilang pinag-titiisan upang matugunan ang kalam ng mga sikmura.
Ang
ating pakikipag-kapwa tao ay maipapakita natin sa mga bilanggo sa pamamagitan
ng “Pagmamahal na ang hatid ay Pag-asa” Una, magkaroon tayo ng pagpapanibango
ng tingin at mas malalim na pag-una sa natura ng isang bilanguan. Ang bilanguan
ay hindi lamang lugar upang parusahan ang mga nagsakala, ito rin ay lugar upang
ituwid ang mga nagkasala at ihanda sila upang muling maka-balik sa pamayanan na
mayroong bagong buhay. Ikalawa, Ang pagmamahal ay dapat kauna-unahang
ipinadarama ng mga kamag-anak ng mga nabilanggo. Nararapat lamang na ang mga malalapit
na kamag-anak ng mga nabilanggo ang siyang kauna-unahang magmalasakit upang
bisitahin at kamustahin ang mga kapamilyang nasa kulungan. At Ikatlo, Ang mga
nakakulong sa mga bilanguan ay mga tao, hindi sila mga hayop dahil doon
nararapat na igalang din ang dignidad nila bilang mga tao.
Inspirasyon
at pag-asa ang ibinibigay ng mga samahan na patuloy na nag-aapostolado sa mga
bilanguan. Nararapat lamang na mas dumami ang mga ganitong samahan na may
malasakit sa kapwa.
Matapos
natin magawa ang lahat ng bagay, at matapos na ang ating buhay, iisa ang ating
inaasahan ang matapuan ang Diyos na mapagmahal. Lingid sa ating kalaaman na
naririto ang Diyos, katabi, kausap, nakikita at humihigi sa atin ng pagmamahal.
“Ibigin natin ang Panginoon Diyos nang
buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip; Ibigin natin ang ating
kapwa gaya ng ating sarili.”
No comments:
Post a Comment