Friday, August 29, 2014

Ang sabi ni St. Rose of Lima “Apart from the Cross there is no other ladder by which we can get to heaven.” Sa pamamagitan ng Krus ni Hesus, nagtatagpo ang langit at lupa, ang tao at kaligtasan.

Sa Ebanghelyo ni San Mateo itinatagubilin ni Hesus sa kanyang mga alagad ang kahalagahan ng pagpapasan ng Krus – “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin” (Mt. 16:24)

Ang pagpapasan ng Krus ay nangangahulugan ng kahandaan upang iaalay ang buong buhay sa Diyos, ang paglimot sa sarili ay hindi lamang ang pagtalikod sa mga nais ng ating katawan kundi higit pa doon ay gawing sentro ng ating buhay ang Diyos. Ito rin ang panawagan ni Apostol San Pablo – “Ialay ang sarili bilang handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa Diyos, gawin kung ano ang mabuti, nakakalugod sa Diyos at huwag umayon sa takbo ng mundong ito.” (Rom. 12:1-2)

Sa pamamagitan ng pagkakatawang tao ni Hesus, niyakap ng Diyos ang ating pagkatao at dahil doon tayo ngayon na nagiging kahati sa sakripisyo ng krus ni Hesus. Ang paghihirap ni Hesus sa Krus ay nagbunga sa atin ng kaligtasan. Ang krus ay hindi lamang basta simbolo ng paghihirap, higit pa roon ito ay biyaya ng Diyos. Ang krus ay hindi kabiguan at katapusan, bagkos ito ang simula ng pagpapahayag ni Hesus tungkol sa muling pagkabuhay – “Sinimulang ipaalam ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay.” (Mt. 16:21)

Ang sabi ni Archbishop Angelo Lagdameo; ang pagtalikod sa krus, ang pakamuhi sa sakripisyo at kawalan ng disiplina ay esensiya ng demonyo. Nauunawaan natin ngayon kung bakit sa ebanghelyo tinawag ni Hesus si Pedro na Satanas, sapagkat namumutawi kay Pedro ang pagtalikod sa Krus – “Huwag namang itulot ng Diyos! Hindi dapat mangyari sa inyo na magbata ng maraming hirap at mamatay sa krus” (Mt.16:22)

Sa panahon natin ngayon unti-unti nating nakakasanayan na yakapin ang kaginhawaan para sa sarili at kamuhian ang pagsasakripisyo. Kadalasan mas pinipili ang mali ngunit madaling paraan para maging maginhawa. Mas ginugusto yung maluwag at pariwarang buhay kaysa buhay na hinubog ng disiplina. Nilulunod ang sarili sa masamang bisyo upang talikuran ang mga obligasyon at problema, Ang kawalan ng pananalig sa kasagraduhan ng Sakramento ng Kasal, panunulad sa exams kaysa mag-sunog ng kilay sa pag-aaral, pagnanakaw kaysa magtrabaho ng marangal, pagbabalatkayo kaysa mag-pakababa ng kalooban. Hindi ito ang uri ng buhay na ibinahagi sa atin ng Diyos. Kapag hinayaan natin ang buhay natin sa ganitong sitwasyon, mapapalayo sa tayo sa Diyos at kaligtasan.

Hindi natin makakamtam ang kaligtasan kung patuloy tayong tatalikod sa mga hamon ng buhay, sa mga mahihirap na gawain na maaring mag-akay sa atin tungo sa kabanalan. Hindi tayo nagiging mabuting alagad kundi hindi natin papasanin ang mga sari-sarili nating mga krus sa buhay. Hindi natin matatagpuan ang langit, kung  hindi natin niyayakap ang krus ng kaligtasan dito sa lupa. 

Saturday, August 23, 2014

Nakasanayan ko nang ihabilin ang aking kwarto kay Tita Minda sa tuwina ako ay aalis at medyo malayo ang pupuntahan. Ang sabi ko lagi sa kanya "Tita Minda, ikaw na bahala sa kwarto ko, paki-check na lang kapag umulan ng malakas, sabay abot ng susi sa aking kwarto."

Sa unang pagbsa mula sa aklat ni Propeta Isaias natunghayan natin na ibinigay kay Eliaquim ang susi ng bahay ni David; ang kanyang buksa'y walang makapagsasara, at walang makapagbubukas ng ipininid niya. Ang karanasan ni Eliaquim sa Lumang Tipan ay siya namang naging karanasan ni Simon Pedro sa Bagong Tipan. Sa ebanghelyo ni San Mateo, ibinigay ni Hesus kay Pedro ang mga susi ng kaharian ng langit, at ang wika ni Hesus kay Pedro "Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit."

Ang pagbibigay ng susi ay nangangahulugan ng isang mahalagang tungkulin, sa pagkakaloob nito kay Pedro, ibinibigay ni Hesus sa kanya ang ganap na kapangyarihan sa Simbahang kanyang itatatag. Kung si Eliaquim, bilang mayordomo ng hari, ay may kapangyarihan sa pagpasok at paglabas sa palasyo, si Pedro nama'y may kapangyarihan sa pagpasok at paglabas sa kaharian ng langit. Siya ang mayordomong pinagtitiwalaan sa kahariang ito, siya ang pinakamataas na opisyal ng Simbahang itinatag ni Hesus at may awtoridad na magpasya at kumilos sa ngalan ni Hesus. (Cf. Ugnayan at Gabay sa Liturhiya, 2014 August, Vol.39, p.301)

Ang pagbibigay kay Pedro ng ganap na kapangyarihan at mahalagang misyon ay bunga ng kanyang malalalim na pagkakilala kay Hesus. Sa mga alagad si Pedro ang tahasang nagpahayag na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay. Mahalaga ang gagampanang tungkulin ni Pedro, sapagkat siya ang magiging una sa mga apostol na magpapatuloy ng pangangalaga ni Hesus sa kanyang Simbahan. At upang maging maayos ang pangangalaga ni Pedro marapat lamang na batid niya ang isip at kalooban ni Hesus. Ang malalim na kabatiran ni Pedro sa pagiging Taga-pagligtas at Anak ng Diyos ni Hesus ay isang malaking biyaya mula sa Diyos Ama, ang katotohanang ito ay hindi inihayag sa kanya ng sinumang tao kundi ng Diyos Amang   nasa langit.

Ang misyong ipinagkatiwala ni Hesus kay Simon Pedro upang pangalagaan ang kanyang Simbahan ay nagpapatuloy magpahanggang ngayon. Ang Presensya ng ating Santo Papa ang siyang nagiging konkretong tanda ng pangangalaga ni Hesus sa bawat isa sa atin na kaanib ng kanyang simbahan. Sa aklat ng Catechism of the Catholic Church, sinasabi ang ganito: "the bishops have by divine institution taken the place of the apostles as pastors of the Church, in such wise that whoever listens to them is listening to Christ and whoever despises them despises Christ and him who sent Christ."

Bilang kabahagi ng Simbahang itinatag ni Kristo tayong lahat ay inaanyayahang isabuhay ang kabanalan na laging magkaroon ng kahandaang makinig sa mga aral at turo ng ating mga Obispo. Ang pakikinig lagi sa mga tamang aral, ang siyang magiging susi natin upang mas makilala si Hesus ng malalim. Upang sa ganon masagot din natin ang katanunang Sino nga ba si Hesus sa aking buhay?

Kung malalim ang aking pagkakilala kay Hesus, mapapagtanto natin na tayo rin ay inahabilinan ni Hesus na lumago sa ating pananampalataya upang maki-isa sa misyon ng mga apostol na ipalaganap ang Kanyang Mabuting Balita. 

Tuesday, August 12, 2014

PANGAKO MT 1: 18-25

Ikinatutuwa natin kapag ang ating kapwa ay may isang salita. Sa kabilang dako naman kinaiinisan natin ang mga taong hindi marunong tumupad sa kanilang mga binitiwang pangako. Naiinis tayo kay kumpare na nangutang sa atin at nangakong babayaran ang hiniram na pera sa katapusan ng buwan, pero pagdating ng kaorasan ay hindi na mahagilap. Kabiguan ang nararamdaman sa loob ng pamilya kung si nanay o si tatay ay hindi naging tapat sa kanilang pangako sa sakramento ng kasal.
Ang ebanghelyong binasa natin para sa pagdiriwang na ito ay katuparan ng pangako ng Diyos.Matatagpuan natin sa ibang bahagi ng Ebanghelyo na ipinangako ng Diyos kay Maria sa pamamagitan ng anghel Gabriel ang pagsusugo sa isang Mesiyas. At ang Mesiyas na ito ay magmumula sa lipi ni Haring David. “Huwag kang matakot Maria, sapagkat ikaw ay kinalulugdan ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y  tatawagin mong Jesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailan man, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.” Sa binasa nating ebanghelyo binibigyang diin na si Jose ay “anak ni David” – nangangahulugan na si Jose ay mula sa lipi ni Haring David. Si Jose ay amain ni Jesus kung kaya’t tama lang sabihin na si Jesus ay mula rin sa lipi ni Haring David. Dahil sa mga katotohanang ito natupad ang pangako ng Diyos noong una pa man.
Naalala pa ba ninyo ang mga pangakong binitiwan? Kung ating aalalahanin noong tayo ay binyagan may mga pangako tayong binitiwan sa Diyos. Bilang mga magulang, nangako tayong aakayin at huhubugin natin ating mga anak ayon sa ating pananampalataya at diwa ni Kristo. Dahil dito ang bawat isang magulang ay mayroong obligasyon sa Diyos at sa kanyang pananampalataya na maging taga-hubog ng mga musmos na isipan, upang sa paglaki ng mga anak ay mabuo sa kanilang kamalayan na mayroong Diyos at Simbahan na dapat kilalanin, igalang at mahalin. Nangako rin ang bawat isa sa atin na itatakwil natin si Satanas, ang kanyang mga pang-aakit at mga gawain. Kaya’t nararapat lamang na makita sa bawat buhay ng isang binyagang kristiyano ang pagsisikap sa pagtalikod sa mga masasamang isipan at saloobin. Sa tuwina na tayo’y nagsisikap na mamuhay ng mayroong kabanalan – tumatalima sa kautusan ng Diyos, dinidisiplina ang sarili na hindi maakit ng mga layaw ng mundo na nag-aakay sa kasalanan at karuwagan ng buhay, ay maari nating masabi na tayo’y mga mahuhusay kapulong at tinutupad natin ang mga pangako natin sa Diyos. Kaya nating sabihin sa ating mga sarili na batid natin ang kahalagahan ng “palabra de honor”
Marahil isang sakit na maituturing ng panahon natin ngayon ang hindi pagpapahalaga sa mga binibitiwang mga salita, masyado na tayong kinain ng kasinungalingan. Maliit palang tayong mga bata ay binabalewala na natin ang pagsisinungaling sa ating mga magulang, ang tingin natin ang pagsisinungaling ay isa lamang biro sa mga taong kausap natin. Tunay nga ang sinasabi ng mga marurunong - “Ang malalaking bagay ay nagsisimula sa mga malilit” Noong una itinatanggi lang natin sa mga magulang na nangupit tayo ng piso kaya’t ngayong lumaki na tayo itinatanggi at binabalewala lang din natin ang iba’t-ibang uri ng korupsyon na kung saan tayo ay kasangkot.
Ang bawat isa sa atin ngayon ay hinahamon na mamuhay sa katotohanan sa lahat ng aspeto ng ating buhay – sosyal, kultural at politikal. Mainam na huwag nating iwaglit sa ating mga isipan ang paalala ng kasalukuyan nating Santo Papa, Benedicto XVI sa kanyang Liham Apostoliko – “Porta Fidei”  “Christians  are called to radiate the word of truth that the Lord Jesus has left us” Si Kristo na din mismo ang nagsabi na ang Espiritu Santo ay hindi mag-iimbento ng mga bagong katotohanan, bagkos tayo’y aakayin ng Espiritu sa mga katotohanang itinuro na sa atin ni Kristo. Ngayong ang ating Simbahan ay nagdiriwang ng Year of Faith mainam na ang mga aral ni Kristo ay ating tahasang isabuhay.
Kung matagpuan natin ang ating mga sarili na kapos o kaya’y hindi tayo nakakapamuhay ayon sa katotohanan na inaasahan mula sa atin ng Diyos, huwag tayong masiraan ng loob. Naririto pinapangalagaan ng Simbahan natin ang Sakramento ng Pakikipagkasundo. Sa pamamagitan ng sakramentong ito tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon ng Diyos upang palagiang maging tapat sa mga pangako sa binyag at mamuhay sa katotohanan.
Ang sakramento ng Pakikipagasundo ay palagiang nag-aanyaya sa atin upang tayo’y maging totoo sa ating mga sarili. Sa bawat paglapit natin sa sakramentong ito nararapat lamang na maramdaman natin ang bigat ng kasalanan natin sa Diyos at nawa’y naroroon ang saloobin na hindi na muling gagawa ng kasalanan. Buong kababaang loob nating aminin ang mga particular na kasalanang nagawa at angkinin ang responsibilidad sa mga ito. Sa pamamagitan nito hinahayaan natin ang ating mga sarili na mapuno ng biyaya ng Diyos upang tayo ay tahasang makipagkasundo sa Diyos at sa Simbahang ating kinabibilangan. Naroon din dapat ang kahandaan ng pagbabayad puri sa mga kasalanang ginawa sa pamamagitan ng mga konkretong pag-gawa ng kabutihan. Nararapat tugunan ng taong lumapit sa kumpisal ang “Penance” Ang pagsusuri ng budhi sa liwanag ng Salita at Sampung Utos ng Diyos ay nararapat isagawa upang tunay na mabatid ang lahat ng mga nagawang kasalanan.
Sana’y matupad nating lahat ang mga aral at katotohanan ng ating pananampalataya. Sana ay huwag mabigo sa atin ang Diyos. Nangako tayo sa Diyos, tupadin natin ang mga ito sa araw-araw nating pamumuhay.

   MT 1: 18-25