"Mas
madaming Krus, Mas madaming biyaya", 'yan ang sabi ni Fr. Rekto Hernandez.
Sa aking pagninilay hindi ito pahayag ng isang taong sadista, bagkos ito ay
pagpapakita ng pagkakaroon ng isang malalim sa debosyon sa Banal na Krus ni
Hesus.
Sa
linggong ito ating ginugunita ang kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na Krus. Sa
pagdiriwang na ito tatlong mahalagang pangyayari sa kasaysayan at ating inaala-ala.
Una, ay ang pagkakatagpo ng tunay na Krus ni Hesus sa pangunguna ni Santa Elena,
Ina ni Emperador Constantino. Ikalawa, ay ang pagtatalaga ng mga simbahang
binuo ni Constantino sa ibabaw ng pinag-libingan ni Hesus at sa Bundok ng
Kalbaryo. Ikatlo, ay ang pagbabalik sa Jerusalem ng tunay na Krus ni Hesus sa
pamamagitan ni Emperador Heraclius II.
Sa
mas malalalim na diwa ng ating pananampalataya, ipinagdiriwang natin ang
kapistahang ito sapagkat, ang Krus ni Hesus ay naging instrumento ng ating kaligtasan,
na siyang palagiang inaalay ng Diyos.
Sa
unang pagbasa nang magkasala ang mga Israelita sa Panginoon, ang kaligtasan
mula sa kamatayan ay kanilang natanggap sa pamamagitan ng pagtingin nila sa tansong
ahas na inilagay ni Moises sa isang tikin. Ang tagpong ito mula sa aklat ng Mga Bilang 21:4-9, ay naghahanda sa mga bumabasa
ng Banal na Kasulatan upang mapagtanto ang paghahalintulad at kaugnayan ng
Lumang Tipan sa Bagong Tipan. Sa Ebanghelyo ni San Juan 3:13-17 naitala, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas
doon sa ilang, gayun din naman, kailanagang itaas ang anak ng Tao, upang ang
sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Ang ahas na yari sa tanso na itinaas ni Moises sa ilang ay nagiging larawan ng
pagtataas kay Hesus sa Krus upang maging bukal ng kaligtasan, na kung saan mula
sa Krus ni Hesus dumadaloy ang biyaya ng buhay na walang hanggan.
Ang
sakripisyong inalay ni Kristo sa Krus ay natatangi, “Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga
tao, si Kristo Hesus na naghandog ng kanyang buhay upang tubusin ang lahat” –
1 Tim 2:5. Ngunit dahil sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos, niyakap ni Hesus
ang pagiging tao natin – “Si Kristo Hesus, bagama’t siya’y Diyos ay hindi
nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng
katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang tao at namuhay na isang alipin, siya’y
nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan oo, hanggang kamatayan sa
Krus” Sa pagkakatawang tao ni Hesus, natanggap natin ang biyaya upang tayong
maging kabahagi sa gawang pagliligtas ng Diyos.
Ang
pakikibahagi sa gawang pagliligtas ng Diyos ay nangangahulugan ng isang malalim
na pananampalataya – ang makita ang yaman at kahalagahan ng Krus sa buhay
nating mga anak ng Diyos. Makita nawa natin ang Krus, hindi lamang bilang isang
simbolo ng pagiging mga Kristiyano, higit pa roon maramdaman natin ang tunay na
biyaya nito, ang kaligtasan at pakikibahagi sa buhay ng Diyos na walang
hanggan. Sa Tuwina na tayo ay
nag-aantanda ng Krus, binabasbasan natin ang ating mga sarili, upang ang lakas
ng Diyos ay mapasaatin. Maipahayag nawa natin na sa pamamagitan ng Krus ay magkaroon
tayo ng lakas, upang mapag-tagumpayan ang lahat ng mga pagsubok sa buhay, at
mapalayo sa anumang uri ng isipan at gawain na naglalayo sa atin sa kaligtasan.
Sa mga oras na tayo’y natatakot, Krus ang ating maging sandigan, hindi ang
gatilyo o patalim. Ano nga ba ang kadalasang sinasabi natin kapag tayo ay
nag-iisa at natatakot? “Tabi po
Nuno” Sana, bilang mga anak ng Diyos na
iniligtas sa Krus ni Hesus mas ugalian natin ang mag-antanda ng krus kapag napapangunahan
tayo ng takot, tukso at mga suliranin. Ipahayag lagi natin, marami man tayong
dinadalang Krus sa buhay, mas higit namang maraming biyaya ang Diyos.
No comments:
Post a Comment