Ang pagsasalo natin sa isang piging ay isa sa mga paraan natin upang ipagdiwang ang isang mahalagang okasyon sa ating mga buhay. Ang piging ay nagiging
pagpapahayag natin ng pagmamahal at pakiki-pagkaibigan sa bawat isa.
Ang mga pagbasa natin
para sa linggong ito ay mayroon din mga tema ng pag-aanyaya sa isang piging. Sa pamamagitan ni Propeta Isaias1,
ipinahayag ng Diyos ang kanyang paanyaya para sa lahat ng bansa upang makisalo
sa masaganang piging na inihanda sa Bundok ng Sion. Inihalintulad ni Hesus ang
Kaharian ng Diyos sa isang piging na inihanda ng hari para sa kasal ng kanyang
anak na lalaki na kung saan marami din ang inanyayahan.2
Sa aklat ni Fr. John Larrea,
SDB3 ipinaliwag niya ang iba’t-ibang detalye ng binasa nating
ebanghelyo. Inilalarawan ng Hari ang
Diyos na siyang naghanda ng piging para sa kasalan ng kanyang anak – Si Hesus. Ang
pagdiriwang ay ang pagdating ni Hesus sa mundo, sa Kanyang pagkakatawang tao
naidulot ang kaligtasan. Ang piging na pangkasalan ay ang Kaharian ng Diyos.
Ang mga Judio na siyang unang inanyayahan ng Diyos na makisalo sa kanyang hapag
ay tumanggi sa Kanyang paanyaya. Inusig nila ang mga Propetang ipinadala ng
Diyos, sa halip na tumalima sa kanilang mensahe ang mga ito’y kanilang
ipinapatay. Ang bunga ng kanilang hindi pagtalima sa paanyaya ng Diyos ay ang
pagkawasak ng Jerusalem, ang kanilang minamahal na lunsod. Ang kasawian na
higit pa sa pagkawasak ng lunsod ng Jerusalem ay yaong hindi sila mapabilang sa
Kaharian ng Diyos. Ang mga huling inanyayahan na tumugon sa paanyaya ng Hari ay
kumakatawan sa mga hindi Judio na kung saan tayo ay kabilang.
Ang pananampalataya
natin sa Diyos ay hudyat ng ating pagtugon sa Kanyang paanyaya. Ang pagtanggap
natin sa ating Panginoong Hesukristo ay ang unang hakbang upang tayo ay
makapasok at mapabilang sa kaharian ng Diyos. Ang paanyaya ng Diyos at ang
ating pagtanggap ay nagsimula noong tayo ay binyagan. Noon pa man ibinigay na
sa atin ng Diyos ang damit na dapat nating palagiang isinusuot – ang buhay ng
Diyos, ang damit ng Kalinisan. Kapag ipinagdiriwang natin ang sakramento ng
binyag, nasasaksihan natin ang rito na kung saan isinusuot ng mga ninong at
niang ang damit na puti sa kanilang mga inaanak at kung ating pinakinggan ang
kasunod na paliwag tungkol sa pagsusuot ng damit na puti, mauunawaan natin ang
lalim at kahugan nito. “Ang damit na
pambinyag ay tanda ng muling pagsilang kay Kristo at ng dakilang karangalan ng
mga anak ng Diyos. Nawa’y manatiling wagas at walang bahid-dungis ang kanilang
karangalan hanggang matamo nila ang buhay na walang hanggan.” 4
Ang buhay na malinis
at wagas ay siyang inasahan sa atin ng Diyos sa tuwina na tayo ay nagdiriwang
ng Banal na Eukaristiya, sa bawat pagdiriwang tayo ay nakikibahagi sa
makalangit na piging na inihanda ng Diyos. Ang Kasalan ang siyang nagbibigay ng
dungis sa damit na tinanggap natin mula sa Diyos, at dahil sa dungis ng
kasalanan natatagpuan natin ang ating mga sarili na hindi karapat-dapat na
makilahok sa Banal na Piging. Mabigat sa pakiramdam na sumisimba tayo pero
hindi tayo maka-pagkomunyon sapagkat alam natin na hindi tayo karapat-dapat
dahil sa mabigat nating kasalanan.
Kabilang na tayo sa piging ng Diyos huwag sana natin sayangin ang pagkakataon, asamin at pagpunyagian lagi na tayo ay maging malinis sa mata ng Diyos. Sa wakas ng ating mga buhay masusumpungan natin ang isang mahalagang okasyon, sa langit ipagdiriwang ang piging ng mga banal, ang walang hanggang at masaganang piging sa piling ng Diyos. Isa lang ang hahanapin ng Diyos mula sa atin, ang damit na kanyang ibinigay. Ang buhay na puno ng pagmamahal at kalinisan.
__________________________
1. Isaias 25:6-10
2. Mateo 22:1-14
3. Fr. John Larrea, SDB, The Word of God, Vol A. p.536
4. Ministry of Liturgical Affairs, Collectio Rituum, p.528
5. http://hdw.eweb4.com/
No comments:
Post a Comment