Bakit
nga ba mas madali para sa atin ang magbigay ng papuri kaysa magtuwid ng mali?
Tama lamang na lagi tayong magbigay ng mga papuri pero huwag nating kalimutan,
na tungkulin din natin ang magtuwid ng mali.
Ang pagtutuwid
ng kamalian at pakikipagkasundo sa mga kapatid na nagkasala ang siyang nagiging
tema ng mga pagbasa natin para sa linggong ito.
Sa
aklat ni Propeta Ezekiel (33:7-9), sinasabi ng Panginoon na ang tao ay ginawa
niyang taga-bantay ng Israel, at tungkulin ng tao na bigyan ng babala ang taong
masama, upang ito ay makapagbagong buhay, pananagutan ng tao ang kamatayan ng
isang masama kung hindi niya ito bibigyan ng babala. Sa ebanghelyo ni San Mateo
(18:15-20) ibinigay ni Hesus ang mga konkretong hakbang upang isagawa ang
pagtutuwid ng kamalian ng kapwa upang sa ganun ay mapanauli at mapanatili ang
mabuting ugnayan ng mga magkakapatid. Ang wika ni Hesus "Kung magkasala sa
iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin ng sarilinan" (Mt.18:15)
Mainan
na pansinin natin na ang unang hakbang ng pakikipagkasundo ay dapat magsimula
sa taong pinagkasalaan. Dito natin ngayon nakikita na kakaiba ang kalooban ng
Diyos sa gawi ng tao. Sa gawi at kaisipan ng tao, kung sino ang may kasalanan
siya dapat ang unang gumawa ng paraan para makipagkasundo. Mababatid din natin
ngayon kung gaano kalalim ang pagmamahal
ng Diyos; Ang Diyos ang laging nangunguna upang ibigay sa atin ang mga biyaya
upang tayo'y makapagpatawad at makapagmahal sa kapwang nagkasala sa atin. Ang
pagmamahal ang siya namang ipinapangaral ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
(13:8-10) Ang wika niya "Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama
kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan ng Diyos"
(Rm.13:10)
Dahil sa pag-ibig ng Diyos, ang
pakikipagkasundo ay maari nating ituring bilang regalo ng Diyos Ama – isang mapagmahal
at kusang pagbibigay ng Diyos. Konkreto natin itong nauunawaan sa pamamagitan
ng misteryo paskwal ng ating Panginoong Hesukristo, dahil sa pag-aalay ng sakripisyo
ni Kristo tayo naligtas at pinalaya mula sa pagka-alipin sa kasalanan na siyang
naging dahilan upang tayo ay ipagkasundo sa Diyos Ama. (Cf.
Reconcilatio et Paenitentia, John Paul II, pp.25-27)
Ang
sabi ni Pope Saint Leo, “Lahat ng ginawa at itinuro ni Hesus para sa ipagkakasundo
ng mundo sa Diyos Ama, ay ating nababatid hindi lamang sa nakalipas na
kasaysayan, bagkos ito ay patuloy nating nararanasan sa pamamagitan ng mga banal
na misteryo na ipinagdiriwang sa Simbahang itinatag ni Hesus” Sa pamamagitan ng
sakramento ng pakikipagkasundo, nauunawaan at nararamdaman natin ang
kapatawarang ibinibigay ng Diyos. Sa bawat paglapit natin sa sakramento ng
kumpisal nakakamtan natin ang kapatawaran ng Diyos, at dahil doon, nararapat
lamang na pagbabagong buhay ang ating maging tugon mula sa kapatawaran na ating tinanggap.
Ang
pakikipagkasundo at pagbabagong buhay ay lagi dapat magkaugnay, kailanman hindi
maaring paghiwalayin ang dalawang ito. Ang pagbabagong buhay ay mahalaga
sapagkat ito ang nagiging daan upang muling maibalik ang mabuting pagsasamahan ng bawat tao, pamilya,
komunidad at simbahan. Kung tayo ay itinutuwid sa ating mga pagkakamali
tangapin natin ito ng may kabukasan ng kalooban. Hilingin natin sa Diyos na
magkaroon tayo ng lakas ng loob upang tayo ay maging instrumento Niya upang
palagiang maipahayag katotohanan, na sa pamamagitan isang buhay na mayroong kabanalan
tunay tayong makapag-akay ng ating kapwa patungo sa Diyos. Makakapagbigay tayo
ng papuri sa Diyos kung tayo ay palagiang mananatili sa kanyang katuwiran,
iwinawaksi ang anumang uri ng kamalian.
No comments:
Post a Comment