Tuesday, August 12, 2014

PANGAKO MT 1: 18-25

Ikinatutuwa natin kapag ang ating kapwa ay may isang salita. Sa kabilang dako naman kinaiinisan natin ang mga taong hindi marunong tumupad sa kanilang mga binitiwang pangako. Naiinis tayo kay kumpare na nangutang sa atin at nangakong babayaran ang hiniram na pera sa katapusan ng buwan, pero pagdating ng kaorasan ay hindi na mahagilap. Kabiguan ang nararamdaman sa loob ng pamilya kung si nanay o si tatay ay hindi naging tapat sa kanilang pangako sa sakramento ng kasal.
Ang ebanghelyong binasa natin para sa pagdiriwang na ito ay katuparan ng pangako ng Diyos.Matatagpuan natin sa ibang bahagi ng Ebanghelyo na ipinangako ng Diyos kay Maria sa pamamagitan ng anghel Gabriel ang pagsusugo sa isang Mesiyas. At ang Mesiyas na ito ay magmumula sa lipi ni Haring David. “Huwag kang matakot Maria, sapagkat ikaw ay kinalulugdan ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y  tatawagin mong Jesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailan man, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.” Sa binasa nating ebanghelyo binibigyang diin na si Jose ay “anak ni David” – nangangahulugan na si Jose ay mula sa lipi ni Haring David. Si Jose ay amain ni Jesus kung kaya’t tama lang sabihin na si Jesus ay mula rin sa lipi ni Haring David. Dahil sa mga katotohanang ito natupad ang pangako ng Diyos noong una pa man.
Naalala pa ba ninyo ang mga pangakong binitiwan? Kung ating aalalahanin noong tayo ay binyagan may mga pangako tayong binitiwan sa Diyos. Bilang mga magulang, nangako tayong aakayin at huhubugin natin ating mga anak ayon sa ating pananampalataya at diwa ni Kristo. Dahil dito ang bawat isang magulang ay mayroong obligasyon sa Diyos at sa kanyang pananampalataya na maging taga-hubog ng mga musmos na isipan, upang sa paglaki ng mga anak ay mabuo sa kanilang kamalayan na mayroong Diyos at Simbahan na dapat kilalanin, igalang at mahalin. Nangako rin ang bawat isa sa atin na itatakwil natin si Satanas, ang kanyang mga pang-aakit at mga gawain. Kaya’t nararapat lamang na makita sa bawat buhay ng isang binyagang kristiyano ang pagsisikap sa pagtalikod sa mga masasamang isipan at saloobin. Sa tuwina na tayo’y nagsisikap na mamuhay ng mayroong kabanalan – tumatalima sa kautusan ng Diyos, dinidisiplina ang sarili na hindi maakit ng mga layaw ng mundo na nag-aakay sa kasalanan at karuwagan ng buhay, ay maari nating masabi na tayo’y mga mahuhusay kapulong at tinutupad natin ang mga pangako natin sa Diyos. Kaya nating sabihin sa ating mga sarili na batid natin ang kahalagahan ng “palabra de honor”
Marahil isang sakit na maituturing ng panahon natin ngayon ang hindi pagpapahalaga sa mga binibitiwang mga salita, masyado na tayong kinain ng kasinungalingan. Maliit palang tayong mga bata ay binabalewala na natin ang pagsisinungaling sa ating mga magulang, ang tingin natin ang pagsisinungaling ay isa lamang biro sa mga taong kausap natin. Tunay nga ang sinasabi ng mga marurunong - “Ang malalaking bagay ay nagsisimula sa mga malilit” Noong una itinatanggi lang natin sa mga magulang na nangupit tayo ng piso kaya’t ngayong lumaki na tayo itinatanggi at binabalewala lang din natin ang iba’t-ibang uri ng korupsyon na kung saan tayo ay kasangkot.
Ang bawat isa sa atin ngayon ay hinahamon na mamuhay sa katotohanan sa lahat ng aspeto ng ating buhay – sosyal, kultural at politikal. Mainam na huwag nating iwaglit sa ating mga isipan ang paalala ng kasalukuyan nating Santo Papa, Benedicto XVI sa kanyang Liham Apostoliko – “Porta Fidei”  “Christians  are called to radiate the word of truth that the Lord Jesus has left us” Si Kristo na din mismo ang nagsabi na ang Espiritu Santo ay hindi mag-iimbento ng mga bagong katotohanan, bagkos tayo’y aakayin ng Espiritu sa mga katotohanang itinuro na sa atin ni Kristo. Ngayong ang ating Simbahan ay nagdiriwang ng Year of Faith mainam na ang mga aral ni Kristo ay ating tahasang isabuhay.
Kung matagpuan natin ang ating mga sarili na kapos o kaya’y hindi tayo nakakapamuhay ayon sa katotohanan na inaasahan mula sa atin ng Diyos, huwag tayong masiraan ng loob. Naririto pinapangalagaan ng Simbahan natin ang Sakramento ng Pakikipagkasundo. Sa pamamagitan ng sakramentong ito tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon ng Diyos upang palagiang maging tapat sa mga pangako sa binyag at mamuhay sa katotohanan.
Ang sakramento ng Pakikipagasundo ay palagiang nag-aanyaya sa atin upang tayo’y maging totoo sa ating mga sarili. Sa bawat paglapit natin sa sakramentong ito nararapat lamang na maramdaman natin ang bigat ng kasalanan natin sa Diyos at nawa’y naroroon ang saloobin na hindi na muling gagawa ng kasalanan. Buong kababaang loob nating aminin ang mga particular na kasalanang nagawa at angkinin ang responsibilidad sa mga ito. Sa pamamagitan nito hinahayaan natin ang ating mga sarili na mapuno ng biyaya ng Diyos upang tayo ay tahasang makipagkasundo sa Diyos at sa Simbahang ating kinabibilangan. Naroon din dapat ang kahandaan ng pagbabayad puri sa mga kasalanang ginawa sa pamamagitan ng mga konkretong pag-gawa ng kabutihan. Nararapat tugunan ng taong lumapit sa kumpisal ang “Penance” Ang pagsusuri ng budhi sa liwanag ng Salita at Sampung Utos ng Diyos ay nararapat isagawa upang tunay na mabatid ang lahat ng mga nagawang kasalanan.
Sana’y matupad nating lahat ang mga aral at katotohanan ng ating pananampalataya. Sana ay huwag mabigo sa atin ang Diyos. Nangako tayo sa Diyos, tupadin natin ang mga ito sa araw-araw nating pamumuhay.

   MT 1: 18-25   




No comments:

Post a Comment