Friday, September 26, 2014


“Images of Truth at times may not be pleasing to the eye - evoking disgust and denigration. If an author translates these images into writing, 
one then has the moral responsibility to portray in that same frame - atonement, redemption and justification” 1

Hindi lamang sa pagpapahayag ng kasamaan natatapos ang ating obligation, matapos nating maipamukha kung ano ang masama at mali, nagkakaroon tayo ngayon ng moral na pananagutan upang itama ang masama at iwaksi ang mali, asamin ang bunga ng pagbabago, kaligtasan at kabanalan.

Sa ebanghelyo ni San Mateo2 natunghayan nating ipinangaral ng Panginoong Hesukristo ang tungkol sa pagtutuwid ng kamalian.  Bagama’t itinuturing na mga makasalanan ang mga publikano at mga masasamang babae, sila pa rin ay naging karapat-dapat sa kaharian ng Diyos sapagkat tinaggap nila ang mga pagtutuwid ni Juan Bautista.

Ang talinghaga  ‘tungkol sa dalawang anak’ ay nagiging ‘imahen ng katotohanan’ na ipinapahayag ng Panginoon. Sinasalamin nito ang magkaibang pagtugon ng mga itinuturing na mga lider ng Judaismo at mga tinaguriang  makasalanan.  Ang anak na sumagot ng ‘Oo’ pero hindi pumunta sa ubusan ay kumakatawan sa mga lider na Judio -  sa mga punong-sacerdote at matatanda ng bayan. Bagama’t tumatalima sila sa Kautusan, ang totoo’y hindi nila tinutupad ang kalooban ng Diyos dahil sa kanilang pamumuhay ay taliwas sa kanilang pinaniniwalaan at sinasabi. Samantala, ang anak na sumagot ng ‘Ayoko po’ pero nagbago ng isip at nagpunta sa ubusan ay kumakatawan sa mga itinuturing ng mga Judio na hindi maliligtas – sa mga maniningil ng buwis at masasamang babae. Sa simula’y ayaw nilang tumupad sa kalooban ng Diyos dahil hindi sila tumatalima sa kautusan at  sa mga turo ng mga guro ng batas. Pero nagbalik-loob sila sa Diyos at nanalig kay Hesus.3

Ano nga ba yung isang imahen ng katotohanan sa buhay natin na kung minsan ay hindi natin maamin? Mahirap amininin sapagkat ito ay hindi maganda sa paningin at naglalagay sa atin sa hamak na sitwasyon. – Kasalanan.

Ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang karanasan ng pagkakasala. At sa bawat pagkakasala natin naroon din ang pag-aasam natin upang makapagbalik-loob. Sa aklat ni Propeta Ezekiel4 natunghayan natin kung ano ang naghihintay sa mga nagnanais magbalik-loob sa Diyos “Ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya at hindi mamamatay”5  Kay gandang pangako ng Diyos, nagbibigay ito sa atin ng lakas ng loob upang lubasang talikuran ang kasalanan, na ang kapatawaran ng Diyos ay laging nag-uumapaw sa mga nagsisisi at nanalig.

Ang pangakong ito ng Diyos ay natupad sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo. Kung ang dalawang anak sa talinghaga ni San Mateo6 ay naging kapos sa pagtalima sa kalooban ng ama. Naririto ngayon ang Bugtong na Anak ng Diyos na siyang nagiging halimbawa sa bawat isa sa atin. Ganap ang naging kasagutan ni Hesus sa kalooban ng Ama, “Bagama’t siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan sa krus.” 7  Dahil sa kaganapang dulot ng kasunuran ni Hesus, ang bawat isa sa ating nagbabalik-loob sa Diyos ay nakakatiyak ng patanggap ng meritong pinagwagian ni Kristo. Ang pagbabalik-loob ng isang makasalanan ay hindi nauuwi sa kawalan, sa halip ay nasusumpungan ang kapatawaran.

Sa pagbabalik-loob sa Diyos mahalaga na magkaroon tayo ng ganap na kasagutan, isang matibay na desisyon upang lubusang talikuran ang kasalanan. At nangangahulugan ito ng pag-amin at pagtitika sa mga kasalanang nagawa. Hindi na lamang natin basta sasabihin na magbabalik-loob ako sa Diyos, kasabay ng mga pahayag ay ang mga tunay na gawa na magpapakita na handa tayong yakapin ang pagbabagong buhay.




_________________________

1. F Sionil Jose, The moral obligations of writers, The Philippine Star, Sunday, 21 September 2014, G-1

2. Mateo 21:28-32

3. Ugnayan at Gabay sa Liturhiya, Vol. 39, September 2014, 340-341

4. Ezekiel 18:25-28

5. Ezekiel 18:26-28

6. Mateo 21:28-32

7. Filipos 2:6-8

Saturday, September 20, 2014

“Lord, hindi po akong marunong kumanta, pero ginawa mo pa rin akong pari sana  po kapag kinakanta ko na ang mga panalangin sa misa ay huwag madistract ang mga tao sa kanta ko.” 

Isa ito sa mga panalangin ko noong ako ay ordinahan, sapagkat batid ko na may pagkasintunado ang boses ko. Matapos ng ordinasyon hindi pa rin tumatama ang boses ko sa mga musical notes, pero ramdam ko na higit pa sa magandang boses ang tinanggap ko mula sa Diyos – binigyan Niya ako ng lakas ng loob para kumanta. At ang lakas ng loob para kumanta ay maituturing ko na isa lamang sa maraming biyaya na tinanggap ko mula sa Diyos. Tunay, na ang kagandahang-loob ng Diyos ay palagiang nag-uumapaw.

       Ang mga pagbasa natin ngayon ay nag-aanyaya sa atin upang pagnilayan natin ang kagandahang-loob ng Diyos. 

       Ang unang pagbasa na hinalaw mula sa aklat ni Propeta Isaias 55:6-9 ay naisulat noong kapanahunan ng maraming taga-Juda ang napatapon sa Babilonia. Mahirap ang naging buhay ng mga Israelita sa Babilonia, sapagkat sila’y nagsilbing mga alipin. Para sa mga nabihag sa Babilonia, sapat na sa kanila ang muling makabalik at masilayang muli ang lungsod ng Jerusalem, ngunit lingid sa kanilang kaalaman, higit pa doon ang inaalay ng Diyos sa kanila. Ipinahayag ni Propeta Isaias na palalayain sila ng Diyos at ibabalik sa kanilang tahanan sa Jerusalem upang magpanibagong buhay.  “Ang mga gawain ng taong masama’y dapat nang talikdan, at ang mga liko’y dapat magbago na ng maling isipan. Sila’y manunumbalik, lumapit sa Panginoon upang kahabagan, at mula sa Diyos, matatamo nila ang kapatawaran.” (Is. 55:7) Sa pamamagitan ni Propeta Isaias, nabatid ng mga Israelita ang kagandahang loob ng Diyos sa kanilang bayan.

       Ang kagandahang-loob ng may-ari ng ubusan ang atin din natunghayan sa Ebanghelyo ni San Mateo 20:1-16, Higit pa sa inaasahang upa ang tinangggap ng mga manggawawa na huling pinapunta sa ubusan. Ang talinghaga tungkol sa may-ari ng ubusan ay nagpapakilala sa nag-uumapaw na kagandahang loob ng Diyos sa bayang Israel. Ang ubasan ay nagiging simbolo ng bayang Israel (Mt. 21:33-46), ang imahen ng Israel bilang ubasan ay matatagpuang nakabatay sa lumang tipan, sa mga aklat nina Propeta Jeremias 12:10 at Isaias 5:1-7, doon natin mababasa na inilalarawan ang Israel bilang ubasang palagiang kinakalinga ng Diyos. Sa maraming pagkakataon ang ubusang ito ng Diyos ay hindi naging mabunga dulot  ng kataksilan at kawalan ng pananampalataya kay Yahweh, pero hindi ito naging hadlang upang hindi ibigay ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob.

       Ang sukatan ng kagandahang-loob ng Diyos ay kakaiba sa sukatan ng tao – Ang wika ng Panginoon, “Ang aking isipa’y ‘di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maabot ng inyong akala” (Is.55:8-9)

      Ang mga kaloob ng Diyos – ang Kanyang mga biyaya kung minsan ay hindi natin lubusang napapasin at napapakinabangan sapagkat ang buong atensyon natin ay nakatuon sa mga sarili nating kagustuhan. Nakakalimutan nating magtiwala sa Diyos, at sa kanyang karunungan. Naiingit tayo sa mga biyayang tinatamasa ng mga kapwa natin, pero lingid sa kaalaman natin ay parehas na biyaya ang ating tinatanggap mula sa Diyos.  Ang sabi ng manunulat na si Jean Vanier, “Envy comes from people’s ignorance of, or lack of belief in, their gifts.” Kapag maiingitin tayo hindi natin makikita ang kabutihan ng Diyos sa buhay natin, mauuwi lamang tayo sa isang buhay na puno ng pagrereklamo sa Diyos. Ang buhay na puro na lang reklamo ay hindi masayang buhay.

       Ang sikreto ng pagkakaroon ng masayang buhay ay yung palagiang bilangin natin yung mga kagandahang-loob ng Diyos at laging magpasalamat kung anong meron tayo sa buhay.

       Salamat sa Diyos kahit hindi ako magaling kumanta ay patuloy Niya akong pinagiging-dapat na ipagdiwang ang Banal na Misa.

       Masayang bilangin ang kagandahang-loob ng Diyos, kasi hindi ito nauubos.

Saturday, September 13, 2014

"Mas madaming Krus, Mas madaming biyaya", 'yan ang sabi ni Fr. Rekto Hernandez. Sa aking pagninilay hindi ito pahayag ng isang taong sadista, bagkos ito ay pagpapakita ng pagkakaroon ng isang malalim sa debosyon sa Banal na Krus ni Hesus.

Sa linggong ito ating ginugunita ang kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na Krus. Sa pagdiriwang na ito tatlong mahalagang pangyayari sa kasaysayan at ating inaala-ala. Una, ay ang pagkakatagpo ng tunay na Krus ni Hesus sa pangunguna ni Santa Elena, Ina ni Emperador Constantino. Ikalawa, ay ang pagtatalaga ng mga simbahang binuo ni Constantino sa ibabaw ng pinag-libingan ni Hesus at sa Bundok ng Kalbaryo. Ikatlo, ay ang pagbabalik sa Jerusalem ng tunay na Krus ni Hesus sa pamamagitan ni Emperador Heraclius II.

Sa mas malalalim na diwa ng ating pananampalataya, ipinagdiriwang natin ang kapistahang ito sapagkat, ang Krus ni Hesus ay naging instrumento ng ating kaligtasan, na siyang palagiang inaalay ng Diyos.

Sa unang pagbasa nang magkasala ang mga Israelita sa Panginoon, ang kaligtasan mula sa kamatayan ay kanilang natanggap sa pamamagitan ng pagtingin nila sa tansong ahas na inilagay ni Moises sa isang tikin. Ang tagpong ito mula sa aklat ng  Mga Bilang 21:4-9, ay naghahanda sa mga bumabasa ng Banal na Kasulatan upang mapagtanto ang paghahalintulad at kaugnayan ng Lumang Tipan sa Bagong Tipan. Sa Ebanghelyo ni San Juan 3:13-17 naitala, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailanagang itaas ang anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Ang ahas na yari sa tanso na itinaas ni Moises sa ilang ay nagiging larawan ng pagtataas kay Hesus sa Krus upang maging bukal ng kaligtasan, na kung saan mula sa Krus ni Hesus dumadaloy ang biyaya ng buhay na walang hanggan.

Ang sakripisyong inalay ni Kristo sa Krus ay natatangi, “Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, si Kristo Hesus na naghandog ng kanyang buhay upang tubusin ang lahat” – 1 Tim 2:5. Ngunit dahil sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos, niyakap ni Hesus ang pagiging tao natin – “Si Kristo Hesus, bagama’t siya’y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang tao at namuhay na isang alipin, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan oo, hanggang kamatayan sa Krus” Sa pagkakatawang tao ni Hesus, natanggap natin ang biyaya upang tayong maging kabahagi sa gawang pagliligtas ng Diyos.

Ang pakikibahagi sa gawang pagliligtas ng Diyos ay nangangahulugan ng isang malalim na pananampalataya – ang makita ang yaman at kahalagahan ng Krus sa buhay nating mga anak ng Diyos. Makita nawa natin ang Krus, hindi lamang bilang isang simbolo ng pagiging mga Kristiyano, higit pa roon maramdaman natin ang tunay na biyaya nito, ang kaligtasan at pakikibahagi sa buhay ng Diyos na walang hanggan.  Sa Tuwina na tayo ay nag-aantanda ng Krus, binabasbasan natin ang ating mga sarili, upang ang lakas ng Diyos ay mapasaatin. Maipahayag nawa natin na sa pamamagitan ng Krus ay magkaroon tayo ng lakas, upang mapag-tagumpayan ang lahat ng mga pagsubok sa buhay, at mapalayo sa anumang uri ng isipan at gawain na naglalayo sa atin sa kaligtasan. Sa mga oras na tayo’y natatakot, Krus ang ating maging sandigan, hindi ang gatilyo o patalim. Ano nga ba ang kadalasang sinasabi natin kapag tayo ay nag-iisa at  natatakot? “Tabi po Nuno”  Sana, bilang mga anak ng Diyos na iniligtas sa Krus ni Hesus mas ugalian natin ang mag-antanda ng krus kapag napapangunahan tayo ng takot, tukso at mga suliranin. Ipahayag lagi natin, marami man tayong dinadalang Krus sa buhay, mas higit namang maraming biyaya ang Diyos.  

Saturday, September 6, 2014

Bakit nga ba mas madali para sa atin ang magbigay ng papuri kaysa magtuwid ng mali? Tama lamang na lagi tayong magbigay ng mga papuri pero huwag nating kalimutan, na tungkulin din natin ang magtuwid ng mali.

Ang pagtutuwid ng kamalian at pakikipagkasundo sa mga kapatid na nagkasala ang siyang nagiging tema ng mga pagbasa natin para sa linggong ito.

Sa aklat ni Propeta Ezekiel (33:7-9), sinasabi ng Panginoon na ang tao ay ginawa niyang taga-bantay ng Israel, at tungkulin ng tao na bigyan ng babala ang taong masama, upang ito ay makapagbagong buhay, pananagutan ng tao ang kamatayan ng isang masama kung hindi niya ito bibigyan ng babala. Sa ebanghelyo ni San Mateo (18:15-20) ibinigay ni Hesus ang mga konkretong hakbang upang isagawa ang pagtutuwid ng kamalian ng kapwa upang sa ganun ay mapanauli at mapanatili ang mabuting ugnayan ng mga magkakapatid. Ang wika ni Hesus "Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin ng sarilinan" (Mt.18:15)

Mainan na pansinin natin na ang unang hakbang ng pakikipagkasundo ay dapat magsimula sa taong pinagkasalaan. Dito natin ngayon nakikita na kakaiba ang kalooban ng Diyos sa gawi ng tao. Sa gawi at kaisipan ng tao, kung sino ang may kasalanan siya dapat ang unang gumawa ng paraan para makipagkasundo. Mababatid din natin ngayon kung gaano kalalim ang  pagmamahal ng Diyos; Ang Diyos ang laging nangunguna upang ibigay sa atin ang mga biyaya upang tayo'y makapagpatawad at makapagmahal sa kapwang nagkasala sa atin. Ang pagmamahal ang siya namang ipinapangaral ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma (13:8-10) Ang wika niya "Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan ng Diyos" (Rm.13:10)

Dahil sa pag-ibig ng Diyos, ang pakikipagkasundo ay maari nating ituring bilang regalo ng Diyos Ama – isang mapagmahal at kusang pagbibigay ng Diyos. Konkreto natin itong nauunawaan sa pamamagitan ng misteryo paskwal ng ating Panginoong Hesukristo, dahil sa pag-aalay ng sakripisyo ni Kristo tayo naligtas at pinalaya mula sa pagka-alipin sa kasalanan na siyang naging dahilan upang tayo ay ipagkasundo sa Diyos Ama.  (Cf. Reconcilatio et Paenitentia, John Paul II, pp.25-27)

Ang sabi ni Pope Saint Leo, “Lahat ng ginawa at itinuro ni Hesus para sa ipagkakasundo ng mundo sa Diyos Ama, ay ating nababatid hindi lamang sa nakalipas na kasaysayan, bagkos ito ay patuloy nating nararanasan sa pamamagitan ng mga banal na misteryo na ipinagdiriwang sa Simbahang itinatag ni Hesus” Sa pamamagitan ng sakramento ng pakikipagkasundo, nauunawaan at nararamdaman natin ang kapatawarang ibinibigay ng Diyos. Sa bawat paglapit natin sa sakramento ng kumpisal nakakamtan natin ang kapatawaran ng Diyos, at dahil doon, nararapat lamang na pagbabagong buhay ang ating maging tugon mula  sa kapatawaran na ating tinanggap.

Ang pakikipagkasundo at pagbabagong buhay ay lagi dapat magkaugnay, kailanman hindi maaring paghiwalayin ang dalawang ito. Ang pagbabagong buhay ay mahalaga sapagkat ito ang nagiging daan upang muling maibalik ang  mabuting pagsasamahan ng bawat tao, pamilya, komunidad at simbahan. Kung tayo ay itinutuwid sa ating mga pagkakamali tangapin natin ito ng may kabukasan ng kalooban. Hilingin natin sa Diyos na magkaroon tayo ng lakas ng loob upang tayo ay maging instrumento Niya upang palagiang maipahayag katotohanan, na sa pamamagitan isang buhay na mayroong kabanalan tunay tayong makapag-akay ng ating kapwa patungo sa Diyos. Makakapagbigay tayo ng papuri sa Diyos kung tayo ay palagiang mananatili sa kanyang katuwiran, iwinawaksi  ang anumang uri ng kamalian.  


Friday, August 29, 2014

Ang sabi ni St. Rose of Lima “Apart from the Cross there is no other ladder by which we can get to heaven.” Sa pamamagitan ng Krus ni Hesus, nagtatagpo ang langit at lupa, ang tao at kaligtasan.

Sa Ebanghelyo ni San Mateo itinatagubilin ni Hesus sa kanyang mga alagad ang kahalagahan ng pagpapasan ng Krus – “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin” (Mt. 16:24)

Ang pagpapasan ng Krus ay nangangahulugan ng kahandaan upang iaalay ang buong buhay sa Diyos, ang paglimot sa sarili ay hindi lamang ang pagtalikod sa mga nais ng ating katawan kundi higit pa doon ay gawing sentro ng ating buhay ang Diyos. Ito rin ang panawagan ni Apostol San Pablo – “Ialay ang sarili bilang handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa Diyos, gawin kung ano ang mabuti, nakakalugod sa Diyos at huwag umayon sa takbo ng mundong ito.” (Rom. 12:1-2)

Sa pamamagitan ng pagkakatawang tao ni Hesus, niyakap ng Diyos ang ating pagkatao at dahil doon tayo ngayon na nagiging kahati sa sakripisyo ng krus ni Hesus. Ang paghihirap ni Hesus sa Krus ay nagbunga sa atin ng kaligtasan. Ang krus ay hindi lamang basta simbolo ng paghihirap, higit pa roon ito ay biyaya ng Diyos. Ang krus ay hindi kabiguan at katapusan, bagkos ito ang simula ng pagpapahayag ni Hesus tungkol sa muling pagkabuhay – “Sinimulang ipaalam ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay.” (Mt. 16:21)

Ang sabi ni Archbishop Angelo Lagdameo; ang pagtalikod sa krus, ang pakamuhi sa sakripisyo at kawalan ng disiplina ay esensiya ng demonyo. Nauunawaan natin ngayon kung bakit sa ebanghelyo tinawag ni Hesus si Pedro na Satanas, sapagkat namumutawi kay Pedro ang pagtalikod sa Krus – “Huwag namang itulot ng Diyos! Hindi dapat mangyari sa inyo na magbata ng maraming hirap at mamatay sa krus” (Mt.16:22)

Sa panahon natin ngayon unti-unti nating nakakasanayan na yakapin ang kaginhawaan para sa sarili at kamuhian ang pagsasakripisyo. Kadalasan mas pinipili ang mali ngunit madaling paraan para maging maginhawa. Mas ginugusto yung maluwag at pariwarang buhay kaysa buhay na hinubog ng disiplina. Nilulunod ang sarili sa masamang bisyo upang talikuran ang mga obligasyon at problema, Ang kawalan ng pananalig sa kasagraduhan ng Sakramento ng Kasal, panunulad sa exams kaysa mag-sunog ng kilay sa pag-aaral, pagnanakaw kaysa magtrabaho ng marangal, pagbabalatkayo kaysa mag-pakababa ng kalooban. Hindi ito ang uri ng buhay na ibinahagi sa atin ng Diyos. Kapag hinayaan natin ang buhay natin sa ganitong sitwasyon, mapapalayo sa tayo sa Diyos at kaligtasan.

Hindi natin makakamtam ang kaligtasan kung patuloy tayong tatalikod sa mga hamon ng buhay, sa mga mahihirap na gawain na maaring mag-akay sa atin tungo sa kabanalan. Hindi tayo nagiging mabuting alagad kundi hindi natin papasanin ang mga sari-sarili nating mga krus sa buhay. Hindi natin matatagpuan ang langit, kung  hindi natin niyayakap ang krus ng kaligtasan dito sa lupa. 

Saturday, August 23, 2014

Nakasanayan ko nang ihabilin ang aking kwarto kay Tita Minda sa tuwina ako ay aalis at medyo malayo ang pupuntahan. Ang sabi ko lagi sa kanya "Tita Minda, ikaw na bahala sa kwarto ko, paki-check na lang kapag umulan ng malakas, sabay abot ng susi sa aking kwarto."

Sa unang pagbsa mula sa aklat ni Propeta Isaias natunghayan natin na ibinigay kay Eliaquim ang susi ng bahay ni David; ang kanyang buksa'y walang makapagsasara, at walang makapagbubukas ng ipininid niya. Ang karanasan ni Eliaquim sa Lumang Tipan ay siya namang naging karanasan ni Simon Pedro sa Bagong Tipan. Sa ebanghelyo ni San Mateo, ibinigay ni Hesus kay Pedro ang mga susi ng kaharian ng langit, at ang wika ni Hesus kay Pedro "Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit."

Ang pagbibigay ng susi ay nangangahulugan ng isang mahalagang tungkulin, sa pagkakaloob nito kay Pedro, ibinibigay ni Hesus sa kanya ang ganap na kapangyarihan sa Simbahang kanyang itatatag. Kung si Eliaquim, bilang mayordomo ng hari, ay may kapangyarihan sa pagpasok at paglabas sa palasyo, si Pedro nama'y may kapangyarihan sa pagpasok at paglabas sa kaharian ng langit. Siya ang mayordomong pinagtitiwalaan sa kahariang ito, siya ang pinakamataas na opisyal ng Simbahang itinatag ni Hesus at may awtoridad na magpasya at kumilos sa ngalan ni Hesus. (Cf. Ugnayan at Gabay sa Liturhiya, 2014 August, Vol.39, p.301)

Ang pagbibigay kay Pedro ng ganap na kapangyarihan at mahalagang misyon ay bunga ng kanyang malalalim na pagkakilala kay Hesus. Sa mga alagad si Pedro ang tahasang nagpahayag na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay. Mahalaga ang gagampanang tungkulin ni Pedro, sapagkat siya ang magiging una sa mga apostol na magpapatuloy ng pangangalaga ni Hesus sa kanyang Simbahan. At upang maging maayos ang pangangalaga ni Pedro marapat lamang na batid niya ang isip at kalooban ni Hesus. Ang malalim na kabatiran ni Pedro sa pagiging Taga-pagligtas at Anak ng Diyos ni Hesus ay isang malaking biyaya mula sa Diyos Ama, ang katotohanang ito ay hindi inihayag sa kanya ng sinumang tao kundi ng Diyos Amang   nasa langit.

Ang misyong ipinagkatiwala ni Hesus kay Simon Pedro upang pangalagaan ang kanyang Simbahan ay nagpapatuloy magpahanggang ngayon. Ang Presensya ng ating Santo Papa ang siyang nagiging konkretong tanda ng pangangalaga ni Hesus sa bawat isa sa atin na kaanib ng kanyang simbahan. Sa aklat ng Catechism of the Catholic Church, sinasabi ang ganito: "the bishops have by divine institution taken the place of the apostles as pastors of the Church, in such wise that whoever listens to them is listening to Christ and whoever despises them despises Christ and him who sent Christ."

Bilang kabahagi ng Simbahang itinatag ni Kristo tayong lahat ay inaanyayahang isabuhay ang kabanalan na laging magkaroon ng kahandaang makinig sa mga aral at turo ng ating mga Obispo. Ang pakikinig lagi sa mga tamang aral, ang siyang magiging susi natin upang mas makilala si Hesus ng malalim. Upang sa ganon masagot din natin ang katanunang Sino nga ba si Hesus sa aking buhay?

Kung malalim ang aking pagkakilala kay Hesus, mapapagtanto natin na tayo rin ay inahabilinan ni Hesus na lumago sa ating pananampalataya upang maki-isa sa misyon ng mga apostol na ipalaganap ang Kanyang Mabuting Balita. 

Tuesday, August 12, 2014

PANGAKO MT 1: 18-25

Ikinatutuwa natin kapag ang ating kapwa ay may isang salita. Sa kabilang dako naman kinaiinisan natin ang mga taong hindi marunong tumupad sa kanilang mga binitiwang pangako. Naiinis tayo kay kumpare na nangutang sa atin at nangakong babayaran ang hiniram na pera sa katapusan ng buwan, pero pagdating ng kaorasan ay hindi na mahagilap. Kabiguan ang nararamdaman sa loob ng pamilya kung si nanay o si tatay ay hindi naging tapat sa kanilang pangako sa sakramento ng kasal.
Ang ebanghelyong binasa natin para sa pagdiriwang na ito ay katuparan ng pangako ng Diyos.Matatagpuan natin sa ibang bahagi ng Ebanghelyo na ipinangako ng Diyos kay Maria sa pamamagitan ng anghel Gabriel ang pagsusugo sa isang Mesiyas. At ang Mesiyas na ito ay magmumula sa lipi ni Haring David. “Huwag kang matakot Maria, sapagkat ikaw ay kinalulugdan ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y  tatawagin mong Jesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailan man, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.” Sa binasa nating ebanghelyo binibigyang diin na si Jose ay “anak ni David” – nangangahulugan na si Jose ay mula sa lipi ni Haring David. Si Jose ay amain ni Jesus kung kaya’t tama lang sabihin na si Jesus ay mula rin sa lipi ni Haring David. Dahil sa mga katotohanang ito natupad ang pangako ng Diyos noong una pa man.
Naalala pa ba ninyo ang mga pangakong binitiwan? Kung ating aalalahanin noong tayo ay binyagan may mga pangako tayong binitiwan sa Diyos. Bilang mga magulang, nangako tayong aakayin at huhubugin natin ating mga anak ayon sa ating pananampalataya at diwa ni Kristo. Dahil dito ang bawat isang magulang ay mayroong obligasyon sa Diyos at sa kanyang pananampalataya na maging taga-hubog ng mga musmos na isipan, upang sa paglaki ng mga anak ay mabuo sa kanilang kamalayan na mayroong Diyos at Simbahan na dapat kilalanin, igalang at mahalin. Nangako rin ang bawat isa sa atin na itatakwil natin si Satanas, ang kanyang mga pang-aakit at mga gawain. Kaya’t nararapat lamang na makita sa bawat buhay ng isang binyagang kristiyano ang pagsisikap sa pagtalikod sa mga masasamang isipan at saloobin. Sa tuwina na tayo’y nagsisikap na mamuhay ng mayroong kabanalan – tumatalima sa kautusan ng Diyos, dinidisiplina ang sarili na hindi maakit ng mga layaw ng mundo na nag-aakay sa kasalanan at karuwagan ng buhay, ay maari nating masabi na tayo’y mga mahuhusay kapulong at tinutupad natin ang mga pangako natin sa Diyos. Kaya nating sabihin sa ating mga sarili na batid natin ang kahalagahan ng “palabra de honor”
Marahil isang sakit na maituturing ng panahon natin ngayon ang hindi pagpapahalaga sa mga binibitiwang mga salita, masyado na tayong kinain ng kasinungalingan. Maliit palang tayong mga bata ay binabalewala na natin ang pagsisinungaling sa ating mga magulang, ang tingin natin ang pagsisinungaling ay isa lamang biro sa mga taong kausap natin. Tunay nga ang sinasabi ng mga marurunong - “Ang malalaking bagay ay nagsisimula sa mga malilit” Noong una itinatanggi lang natin sa mga magulang na nangupit tayo ng piso kaya’t ngayong lumaki na tayo itinatanggi at binabalewala lang din natin ang iba’t-ibang uri ng korupsyon na kung saan tayo ay kasangkot.
Ang bawat isa sa atin ngayon ay hinahamon na mamuhay sa katotohanan sa lahat ng aspeto ng ating buhay – sosyal, kultural at politikal. Mainam na huwag nating iwaglit sa ating mga isipan ang paalala ng kasalukuyan nating Santo Papa, Benedicto XVI sa kanyang Liham Apostoliko – “Porta Fidei”  “Christians  are called to radiate the word of truth that the Lord Jesus has left us” Si Kristo na din mismo ang nagsabi na ang Espiritu Santo ay hindi mag-iimbento ng mga bagong katotohanan, bagkos tayo’y aakayin ng Espiritu sa mga katotohanang itinuro na sa atin ni Kristo. Ngayong ang ating Simbahan ay nagdiriwang ng Year of Faith mainam na ang mga aral ni Kristo ay ating tahasang isabuhay.
Kung matagpuan natin ang ating mga sarili na kapos o kaya’y hindi tayo nakakapamuhay ayon sa katotohanan na inaasahan mula sa atin ng Diyos, huwag tayong masiraan ng loob. Naririto pinapangalagaan ng Simbahan natin ang Sakramento ng Pakikipagkasundo. Sa pamamagitan ng sakramentong ito tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon ng Diyos upang palagiang maging tapat sa mga pangako sa binyag at mamuhay sa katotohanan.
Ang sakramento ng Pakikipagasundo ay palagiang nag-aanyaya sa atin upang tayo’y maging totoo sa ating mga sarili. Sa bawat paglapit natin sa sakramentong ito nararapat lamang na maramdaman natin ang bigat ng kasalanan natin sa Diyos at nawa’y naroroon ang saloobin na hindi na muling gagawa ng kasalanan. Buong kababaang loob nating aminin ang mga particular na kasalanang nagawa at angkinin ang responsibilidad sa mga ito. Sa pamamagitan nito hinahayaan natin ang ating mga sarili na mapuno ng biyaya ng Diyos upang tayo ay tahasang makipagkasundo sa Diyos at sa Simbahang ating kinabibilangan. Naroon din dapat ang kahandaan ng pagbabayad puri sa mga kasalanang ginawa sa pamamagitan ng mga konkretong pag-gawa ng kabutihan. Nararapat tugunan ng taong lumapit sa kumpisal ang “Penance” Ang pagsusuri ng budhi sa liwanag ng Salita at Sampung Utos ng Diyos ay nararapat isagawa upang tunay na mabatid ang lahat ng mga nagawang kasalanan.
Sana’y matupad nating lahat ang mga aral at katotohanan ng ating pananampalataya. Sana ay huwag mabigo sa atin ang Diyos. Nangako tayo sa Diyos, tupadin natin ang mga ito sa araw-araw nating pamumuhay.

   MT 1: 18-25